AWA ang dahilan kaya kinukuha ng mga kakilalang direktor at producer ang aktor na minsang nagumon sa bawal na gamot, bukod pa sa nakikiusap din para sa kanya ang ilang kaibigan at kaanak.
Ang problema naman ng direktor, hindi niya mabigyan ng todong eksena ang aktor, dahil limitado lang ang oras nito, dahil sa iniinda nitong sakit na maraming bawal.
Minsan daw ay napatagal ang break dahil nag-set up pa kaya natulog muna ang lahat ng artista. Nang aktong gigisingin na ang aktor ay hirap na siyang bumangon, pero sinikap pa rin niyang gawin ang trabaho niya.
‘Yun lang, hindi na maka-memorya ng linya at nabubulol pa ang aktor, kaya kung mapapansin ay hindi siya binababaran ng camera, o binibigyan ng mahahabang dialogue, dahil tiyak na wala siyang masasaulo.
Pangbuhay sa sarili ang kailangan ng aktor, na minsang nagumon sa bawal na gamot, kaya kailangan niyang magtrabaho, dahil hindi na rin naman umaasa sa kanya ang pamilya niya.
“Huwag lang siyang maging pabigat, kaya need niya mag-work,” say ng aming source.
Nakakahinayang ang aktor, dahil sobrang sikat niya noon. Sayang at hindi siya nakapag-ipon, at higit sa lahat, hindi niya pinagbuti ang pag-arte, dahil walang improvement ang acting niya hanggang ngayon.
Sa ngayon ay wala kaming alam na may regular show ang aktor, kaya malamang na umaasa siya sa tulong ng ilang kaibigan at kaanak , na sana lang ay hindi magsawa sa pagtulong sa kanya.
-REGGEE BONOAN