Sa halip na batikusin siya at ang iba pang kandidato ng oposisyon, sinabi ng senatorial bet na si Mar Roxas na dapat na tutukan na lang ni Pangulong Duterte ang mga problema sa bansa.
Halimbawa, ayon kay Roxas, dapat na simulan na ni Duterte ang paglalatag ng mga plano upang matiyak na magkakaroon ng trabaho ang mga magtatapos sa kolehiyo ngayong buwan.
“Ang pinaka-importanteng tugunan natin, halimbawa Marso ngayon, milyon ang papasok sa job market, milyon ang ga-graduate at magiging kabahagi ng labor force. Ano ang mga trabaho na sasalubong sa kanila?” sabi ni Roxas.
“Makikiagaw pa ba sila sa mga Chinese na andito ngayon?” dagdag niya.
Una nang sinabi ni National Economic and Development Authority (NEDA) Director General Ernesto Pernia na ang total employment ng bansa noong Enero 2019 ay mas mababa nang 0.9% kumpara noong 2018.
“Itong presyo ng bilihin, ang mga misis nagsasabi ‘yung evaporated milk ngayon nasa P18 to P20 na, dati-rati P15 to P16. So ‘yang dalawang piso na ‘yan kung may anak ka, may sanggol ka, malaking bagay ‘yan. So itong baboy na hinihiwa rito naging P200, P220 ang kilo, dati-rati P180. So ito ‘yung mga totoo at para sa akin mga importanteng dapat na pinag-uusapan at diyan ako tututok,” sabi ni Roxas.
Bukod pa rito, siyempre, ang matinding problemang kinakaharap ngayon sa Metro Manila, ang kakapusan sa tubig.
“This global climate change is predictable. Therefore, we can reduce its effect on us. What is important right now is prioritization and the discipline to adhere to what is prioritized,” ani Roxas.
“I think one can only move in the right direction if one is aware of the gaps and failures. This can be likened to a doctor who needs to make the correct diagnosis, otherwise one might only be treating the symptoms and not the disorder.”
-Aaron Recuenco