ILIGAN CITY – Natimbog ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang dalawang umano’y drug courier matapos mahulihan ng tinatayang P16 milyong halagang iligal na droga sa Marawi City, nitong Huwebes.
Nasa kustodiya na ng PDEA-Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), ang dalawang suspek na sina Naira Panda, alyas “Mila”, at Saima Moda Imam, alyas “Ima”, kapwa nasa hustong gulang.
Nadakip ang dalawa nang maglatag ng buy-bust operation ang mga tauhan ng PDEA-ARMM at Marawi City police provincial drug enforcement unit sa KM 00, Barangay Datu Saber, Marawi city national high school, kamakalawa.
Nasamsam sa kanila ang ang 10 transparent plastic cellophane na naglalaman ng shabu na tinatayang nasa isang kilo, dalawang mobile phones, at boodle money na nagkakahalaga ng P1.9 milyon
Paglilinaw ni Lanao del Sur Provincial Director Police Senior Supt. Madzgani Mukaram, drug courier lamang ang dalawa at hindi taga-Marawi City.
Isinasailalim pa rin sa masusing imbestigasyon ang dalawang suspek.
-Bonita L. Ermac