PINAGHALONG tradisyunal na malalakas na koponan at ilang mga pinalad na mapabilang ang magiging kinatawan ng National Capital Region sa darating na 2019 Chooks-to-Go SM NBTC League National Finals sa Marso 18-24 sa MOA Arena.
Nangunguna ang Nazareth School of National University na tatangkaing itala ang unang back-to-back championships sa 12-year history ng basketball national championship para sa mga high school teams.
Manggagaling ang Bullpups na pangungunahan nina Gerry Abadiano, Terrence Fortea, Kevin Quiambao at Carl Tamayo mula sa pag-angkin muli ng kampeonato ng UAAP juniors basketball tournament.
Kasama nila at muling magsisilbing isa sa kanilang mahigpit na katunggali ang tumapos na runner-up nilang Ateneo na pamumunuan ng 7-foot-2 na si Kai Sotto.
Kabilang din sa kanilang magiging challenger ang NCAA champions Mapua at runner-up nitong La Salle Green Hills at Metro Manila Basketball League titlist San Beda at kapwa nito finalist na Letran.
Kabilang naman sa wildcards ang Hope Christian at Far Eastern University-Diliman.
Makakasagupa ng NCR qualifiers ang 26 pang ibang koponan mula sa iba’t-ibang panig ng bansa.
Bukod sa NU, idedepensa rin ng De La Salle Lipa ang kanilang titulo bilang Division 2 champion.
-Marivic Awitan