Inaresto ang pekeng doktor sa Pasay City nang ireklamo sa umano’y palpak na pagpapalaki ng dibdib ng isang negosyante na inoperahan nito, nitong Huwebes ng hapon.

DOC_ONLINE

Apat na taon matapos ang kanyang operasyon, nakaramdam ang negosyante ng sakit at napansin ang namumuong dugo sa kanyang pinaoperahang dibdib.

Kinilala ni Major Wilfredo Sangel, hepe ng Pasay police investigation section, ang inaresto na si Crisanto Ordono, 34, ng Zapote, Las Piñas City.

Eleksyon

Sara for President? VP Sara, inalis OVP seal sa kampanya; biro niya, palitan daw ng OP seal

Siya ay inaresto sa entrapment operation sa loob ng isang hotel room sa Pasay City, bandang 4:00 ng hapon.

Nag-ugat ang operasyon sa reklamo ng alyas Karen, 37. Siya ay sumailalim sa 10 operasyon kay Ordono at nagbayad ng P150,000 para sa buong procedure.

Nagbayad umano si Karen ng P4,000 hanggang P10,000 para sa bawat session na isinasagawa sa isang hotel room.

Aniya, nakilala niya si Ordono noong 2015 sa pamamagitan ng isang kaibigan na inoperahan din nito.

Marso 6, napansin niya ang namumuong dugo sa kanyang dibdib. Sinabi niya kay Ordono na alisin ang oil silicone na itinurok sa kanyang dibdib.

Pumayag si Ordono at gagawin umano ito nang libre. Gayunman, nag-alok siya ng panibagong operasyon, ang buttocks enhancement sa halagang P10,000.

Dito na naghinala si Karen kung tunay itong doktor, kaya nagpunta siya sa Professional Regulation Commission upang makumpirma kung lisensiyado si Ordono.

Nadiskubre niya na hindi rehistrado si Ordono, kaya hindi ito tunay na doktor.

Ito ang dahilan kaya ini-report niya ang insidente sa Pasay City Police.

Bilang bahagi ng pag-aresto, pumayag si Karen na makipagkita kay Ordono sa isang hotel room sa Pasay City, na sanhi ng pagkakaaresto ng suspek.

Inaresto rin ang nobyo nito, si Adrian Gorbin. Ayon sa awtoridad, kasabwat ni Ordono si Gorbin sa illegal medical activities.

Kakasuhan si Ordono ng estafa at paglabag sa RA 2382 (Medical Act of 1959).

-Michelle Guillang at Bella Gamotea