Arestado ang attaché ng Royal Embassy of Saudi Arabia at tatlong kasabwat na Pinoy, na umano’y nangikil ng pera sa isang estudyanteng Yemeni, sa entrapment operation sa Makati City, nitong Miyerkules ng gabi.

Kinilala ng Makati police ang mga suspek na sina Fahad Almusabih, Sudanist; Miller Apao, ng Bacoor, Cavite; Jonathan Abenasa, ng Putatan, Muntinlupa; at Hernan Gonzales, ng Parañaque City.

Ang nagpasaklolo sa mga pulis ay ang 23-anyos na si Ahmed Mohammed Muneer Mohammed, college student sa Baguio City.

Inaresto ang apat na suspek sa Cebuana Lhuillier sa Makati Avenue sa Barangay Poblacion, Makati City, dakong 6:00 ng gabi.

Metro

Humigit-kumulang 500k deboto, dumalo sa prusisyon ng Poong Nazareno ngayong Biyernes Santo

Nitong Marso 4, sinabi ni Mohammed na binigyan niya si Almusabih P9,000, upang mabilis na maproseso ang paso niyang student visa.

Sinabi rin ng biktima na ibinigay niya kay Almusabih ang kanyang pasaporte para sa pagpoproseso.

Ipinangako umano sa biktima na makukuha nito ang kanyang ni-renew na student visa kinabukasan. Ngunit nang magkita uli, walang visa na dala ang suspek, at humingi sa biktima ng karagdagang P16,000.

Tumanggi si Mohammed na magbigay uli ng pera. Matapos na tumanggi, tinakot umano siya ni Almusabih na isusumbong siya sa awtoridad dahil sa ilegal na pananatili sa bansa.

Marso 8, tinawagan ni Almusabih ang Yemeni student at pinaghahanda ng P100,000 kapalit ng kanyang pasaporte. Ito ang dahilan kung bakit nagsumbong ang biktima sa mga pulis.

-Jel Santos at Bella Gamotea