Karamihan sa mga Pilipino ay nagpahayag na sila ay kuntento sa trabaho ng administrasyong Duterte sa huling bahagi ng 2018, base sa resulta ng Social Weather Stations survey na inilabas ngayong Martes.
Sa nationwide survey na isinagawa noong Disyembre 16 hanggang 19, 2018 sa 1,440 adult respondents, sinabi ng SWS na 76 na porsiyento ng mga Pinoy ang kuntento, 15% ang hindi satisfied at hindi rin naman dissatisfied, at 9% dissatisfied sa general performance ng kasalukuyang administrasyon.
Ito ang kahulugan ng net satisfaction rating na +66 (percent satisfied minus percent dissatisfied), na tinukoy ng SWS na "very good."
Sinabi ng SWS na ang pinakabagong net rating ay 16 na puntos na mataas sa very good +50 (65 percent satisfied, 15 percent dissatisfied) noong Setyembre 2018.
Ang SWS terminology para net satisfaction ratings ay ang mga sumusunod: +70 pataas ay “excellent,” +50 hanggang +69 ay “very good,” +30 hanggang +49 ay “good,” +10 hanggang +29 ay “moderate,” +9 hanggang –9 “neutral,” -10 hanggang –29 ay “poor,” -30 hanggang –49 ay “bad,” -50 hanggang –69 ay “very bad,” at -70 at pababa ay “execrable.”
Tumaas ang net satisfaction rating ng administrasyong Duterte mula very good hanggang excellent sa Mindanao, tumaas ng walong puntos mula sa +67 noong Setyembre 2018 sa +75 noong Disyembre 2018.
Tumaas din mula sa good at naging very good sa Visayas, 21 puntos mula sa +42 noong Setyembre sa +63 noong Disyembre.
Sa Metro Manila, tumaas ito mula sa good at naging very good, nadagdagan ng 20 puntos mula sa +40 noong Setyembre sa +60 noong Disyembre.
Tumaas din mula sa good at naging very good sa Luzon, nadagdagan ng 17 puntos mula sa +48 noong Setyembre sa +65 noong Disyembre.
Very good din mula sa good ang urban net satisfaction ng administrasyon, tumaas ng 23 puntos mula sa +45 noong Setyembre 2018 ay naging +68 noong Disyembre 2018.
Samantala, nananatiling very good ang rural net satisfaction, mula sa +54 noong Setyembre ay naging +65 noong Disyembre.
Kaugnay nito, ikinatuwa ng Malacañang ang pagtaas ng satisfaction rating ng administrasyong Duterte, sinabing ito ay “vote of confidence” kay Pangulong Duterte gayundin sa “loud and clear repudiation” ng kanyang mga kritiko.
Tiniyak ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa publiko na hindi magiging kampante ang pamahalaan sa pagsisikap na mapaangat ang buhay ng mga Pilipino.
Ellalyn De Vera-Ruiz, Beth Camia, at Genalyn D. Kabiling