Arestado na ang pangunahing suspek sa pagpatay sa negosyanteng si Dominic Sytin sa Zambales, noong nakaraang taon.

SYTIN

Iniharap ngayong Lunes ng umaga sa Camp Crame ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde sa mga mamamahayag ang suspek sa pamamaslang kay Sytin sa Subic Bay Freeport noong Nobyembre 2018.

Ayon kay Chief Supt. Amador Corpus, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), si Edgardo Luib, alyas “Inject”, ay dinakip sa tinutuluyan nito sa Batangas nitong Marso 5, sa bisa ng arrest warrant para sa kasong murder.

National

Davao Oriental, niyanig ng magnitude 4.3 na lindol

Itinuro ni Luib ang isang Ryan Rementilla na umano’y nag-recruit sa kanya para ipapatay si Sytin.

Sinabi ng CIDG na itinuturo rin ang umano’y nakababatang kapatid ng biktima na si Dennis Sytin na nag-utos umano upang ipapatay ang negosyante.

Sinasabing away sa negosyo ng magkapatid ang motibo sa pagpatay kay Dominic.

Matatandaang nasugatan din angf security aide ng biktima nang barilin umano ito nang malapitan ni Luib sa ulo sa Lighthouse Marina Resort sa Subic.

Si Sytin ang founder at chief executive officer ng United Auctioneers, Inc., at isa rin sa mga may-ari sa ACEA Subic Bay resort.

Nakuha umano mula sa suspek ang isang carbine rifle, isang .45 caliber pistol, isang .40 caliber Glock pistol, at isang malaking sachet ng marijuana.

Bukod sa murder, kinasuhan na rin si Luib ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at illegal possession of firearms.

-Fer Taboy