Fil-Heritage athletes, pakitang-gilas sa National Open
ILAGAN CITY – GTK Army noon. Popoy’s Pride ngayon.
runners sa 2019 Ayala-Philippine OPne Championship sa Ilagan City, Isabela. (RIO DELUVIO)
Nakaririndi at kagila-gilalas ang ipinamalas na kampanya ng Filipino-heritage track athletes – inaasahang bubuo ng matikas na Team Philippines sa 30th Southeast Asian Games sa Manila – sa ikalawang araw ng kompetisyon sa 2019 Ayala-Philippine Athletics Championship nitong Huwebes sa Ilagan City Sports Complex.
Matapos ang record-breaking performance ni Fil-American Natalie Uy sa women’s pole vault nitong Miyerkules, ratsada rin ang mga kasangga na sina Robyn Brown, Carter Lilly, magkapatid na Kyla at Kayla Richardson, gayundin si Kristina Knott sa kani-kanilang event na inaasahang madodomina rin nila sa pagpalo ng biennial meet sa Nobyembre sa Subic at ilang satellite venue sa Manila at Tagaytay.
Nanguna si Brown, lumaki sa Chino Hills, California, sa women’s 400-meter hurdles sa tyempong 61.27 segundo, malayong dalawang segundo ang bentahe sa sumunod na si Jessa Mae Jarder (63.25s) ng University of Santo Tomas.
Ang kambal na Richardson ang nanguna sa women’s 4x100 relay kasama sina Zion Corrales Nelson at century dash queen na si Knott.
Matikas din sa unang sabak ang middle distance runner na si Carter Lilly tungo sa dominanteng panalo sa men’s 800-meter run sa tyempong 1 minuto at 50.91 segundo.
Nagapi ng University of Iowa stalwart ang kasalukuyang RP team mainstay at dating kampeon na si Marco Vilog (1:53.09) at Mariano Masano ng UP (1:53.14).
Tinanghal na pinakamabilis na babaeng runner ang 23-anyos na si Knott sa naitalang 11.64 segundo para pagbidahan ang centerpiece event 100-meter run. Bumuntot sa kanya ang kapwa Fil-Am na sina Zion Corrales Nelson (11.84s) at Eloisa Luzon (12.19s).
Nakamit ng Orlando, Florida native ang ikalawang gintong medalya nang magwagiang kanyang Team Ilagan sa 4x100 championship sa torneo na itinataguyod ng Philippine Athletics Track and Field Association, sa pakikipagtulungan ng City of Ilagan, Ayala, Milo, Philippine Sports Commission, Soleus, L.TimeStudio, Cherrylume, Foton, Asian Athletics Association at International Association of Athletics Federation.
Sa men’s division, sinamantala ni sprinter Anfernee Lopena ang hindi paglaro ni Olympic veteran Eric Cray para pagharian ang men’s 100-m run sa tyempong 10.63 segundo.
Nadomina ng Bohol-native na si Lopena sina Philippine Air Force’s Isidro Del Prado Jr. (11.26s) at Adamson’s Elias Ruther Cuevas (11.42s).
“Kung nandyan si Cray, mas maganda sana kasi magandang challenge ‘yun,” sambit ni Lopena.
Iginiit ni Lopena, na handa na ang kanyang sarili para sa pagsabak sa SEA Games sa Nobyembre.
“Sabi po ni coach, parang appetizer pa lang. Season opener pa lang po naman . Malayo pa at matagal pa, so okay po ito na usual start ko,” aniya. “In the coming competitions, hopefully, mas mapapaba ko pa ‘yung time.”
Tulad ni Knott, tinanghal ding double gold medalist si Lopena nang magwagi ang grupo niya na kinabibilangan nina Cray, Jomar Udtohan at Clinton Bautista sa 4x100 meter relay.
Nailista ng quartetang oras na 40.13 segundi laban sa Adamson University (43.16s) at National University (43.26s).
Target ni Lopena ang triple gold sa pagsabak sa 4x100 mixed gender relay kasama sina Clay, Eloisa Luzon and Kyla Richardson.
Ang matikas na ratsada ng Fil-Heritage athletes ay sapat na para patunayan na mabibigyan nila ng magandang laban ang Team Philippines sa SEA Games na nakatakda sa Nobyembre 31 hanggang Disyembre 11.
Samantala, umani rin ng tagumpay ang local bets tula dnina Francis Medina (53.26 segundo) sa men’s 400-m hurdles, Louielyn Pamatian ng UST (2:24.37) sa women’s 800m. Nagwagi rin sina Air Force’s Narcisa Atienza (women’s shotput), Melvin Guarte (men’s 3000m steeplechase), Army’s Ailene Tolentino (women’s 3000m steeplechase), Adamson’s Raziebel Fabellon (women’s high jump) at Melvin Calano (men’s javelin throw).
Hindi naman nakalusot sina Bautista (14.22 segundo) at EJ Obiena (14.85 segundo) para sa silver at bronze medals sa 110 m hurdles, ayon sa pagkakasunod. Nakuha ni Rayzamshah Wan Sofian ang gintong medalya sa tyempong 14.12 segundo.
Pinatunayan naman ni two-time SEAG champion at Olympian Marestella Torres – Sunang ang pananatiling reyna sa women’s long jump. Nalundag ni Torres-Sunang ang layong 6.11 metro laban kina UST pairs Rosnani Pamaybay (5.60m) at Alyssa Maris Andrade (5.48m).