Kinumpirma ng Ateneo de Davao University ang pagreretiro nila sa jersey number ng yumaong si Rene Baterbonia.
Sa pamamagitan ng Facebook post noong Linggo, Hunyo 14, 2026, opisyal na niretiro ng naturang unibersidad ang jersey number 2 na siyang numerong bitbit ni Baterbonia noon.
"In deeply moving tributes, Bobet's jersey number has been officially retired, and the Ateneo de Davao University Senior High School Covered Court has been renamed the Rene “Bobet” Baterbonia Covered Court (RBBCC) in his honor. These are lasting testaments to a young man whose heart and talent left an indelible mark on everyone who watched him play," anang unibersidad sa nasabing FB post.
Ang jersey number retiring ay ginagawa ng isang koponan o sports organization upang magsilbing tribute sa isang manlalarong umukit ng legasiya bitbit ang kanilang koponan. Sa pamamagitan ng number retirement, nangangahulugang hindi na ito maaaring gamitin ng kahit na sinomang manlalaro sa kanilang team.
Si Baterbonia ang star player ng Ateneo de Davao kung saan pinangunahan niya ang kaniyang koponan noon upang masungkit ang back-to-back championship sa Palarong Pambansa.
Noong Hunyo 8, sumiklab sa mga balita ang nangyaring trahedya kay Baterbonia kasama ang isa pang kapwa Atenista at Nigerian national na si Divine Adili na nalunod sa Dipaculao, Aurora.
Si Baterbonia ay ni-recruit ng Ateneo de Manila University at kararating lamang ng Maynila noong Hunyo 4 bago nangyari ang aksidente.
Ayon sa imbestigasyon, nagsagawa noon ng team building ang Ateneo Blue Eagles bilang parte ng kanilang routine drills sa paghahanda ng koponan sa mga nakatakda sana nilang lalabanang liga.