GAB may pangil na sa ‘Kongreso’, Senate version hinihintay

MAY ayuda na ang Mababang Kapulungan. Nasa kamay na ngayon ng Senado para susugan ang panukalang-batas na magbibigay ng ‘pangil’ sa Games and Amusement Board (GAB) sa aspeto ng legalidad at pagpapatupad ng batas batay sa ibinigay na mandato sa ahensiya.

Mitra

Mitra

Ikinalugod ni GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra ang pagkakapasa sa final reading ng House Bill No. 8910 na naglalayong palakasin ang taglay na kapangyarihan ng GAB para masawata ang mga ilegal na bookies, e-sabong at ano pang uri ng ilegal na sugal na nakakaapekto sa industriya ng karera at sabong at iba pang professional sports.

Romualdez, pinasalamatan tennis player na si Alex Eala

“Nagpapasalamat po kami sa ating mga Mambabatas sa Kongreso sa suportang ibinigay sa GAB. Nawa’y mabigyan ito ng katuturan bilang pag-aalala na rin sa namayapang Congressman na si Rodel Batocabe.

Ang kinatawan ng Party-list AKO Bicol ay isa sa nagsulong ng HB 8910.

Umani ito ng suporta at nakakuha ng botong 185 upang maitaas sa Senado.

Nakapaloob sa panukala ang pagpapalakas sa taglay na kapangyarihan at tungkulin ng GAB sa pagkakaloob ng quasi-judicial powers na duminig at magpasiya sa ano mang bagay, kontrobersiya man o hidwaan, gayundin ang pagpapalabas ng mga alituntunin para sa mabilis na disposisyon ng mga kaso.

Sa mga nakalipas na taon, puspusan ang pagsugpo ng GAB sa mga ilegal bookies at e-sabong, ngunit limitado ang ‘police power’ ng ahensiya para maipatupad ng tuluyang ang kanilang mandato.

“Ang masakit pa nga nito, kami pa ang nababalikan at nadedemanda,” pahayag ni Mitra.

Nanghihinayang naman si Mitra na posibilidad na mabalewala ang pagkakapasa ng naturang resolusyon sa Kongreso kung hindi magkakaroon ng aksiyon ang Senado.

“Napapanahon na panukalang batas ito, ngunit kung walang Senador na mag-aakda, baka mabalewala ito. Matagal na pinag-usapan at pinag-hirapan ito ng mga authors plus chairman Gus Tambunting at sila Cong. Acop, PBA partylist Mark Zambar, Eric Pineda, JB Bernus at mga ibang member ng House Committee on Games and amusements.

“Sana naman may mag akda sa Senado,otherwise sayang at magiging refiled bill na lang sa susunod,” pahayag ng dating Palawan Congressman at Governor.

“Sayang din ang efforts ng namayapang author na si Cong. Rodel Batucabe,” aniya.

Ang panukalang ito ay nag lalayong mapalakas ang regulasyon sa mga propesyonal na mga laro at mga makabagong mga paraan na para sa seguridad ng kalusugan ng mga athleta. Kaakibat din dito ang pag-regulate sa mga on-line cockfighting pag tapos dumaan sa Legislative franchise ng Kongreso.

-Edwin G. Rollon