July 14, 2026

Home BALITA Politics

Sen. Gatchalian, wala pang nakakausap sa Cayetano-bloc hinggil sa special session

Sen. Gatchalian, wala pang nakakausap sa Cayetano-bloc hinggil sa special session
Photo courtesy: Senate of the Philippines/FB


Kinumpirma ni Acting Senate President at Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian na wala pa umano siyang nakakadayalogo mula sa mga senador ng Cayetano-bloc kaugnay sa isasagawang Congress special session sa darating na Miyerkules, Hunyo 17.

Kasunod ito ng anunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na isagawa ang isang special session na layong ikonsidera ang pagpapasa ng ilang priority legislative measures na may kinalaman sa social protection at pagpapaganda ng buhay ng mga Pilipino.

MAKI-BALITA: PBBM, nagpatawag ng Congress special session sa Hunyo 17-Balita

Sa pakikipanayam ni Sen. Gatchalian sa media nitong Martes, Hunyo 16, isiniwalat niya na nagbaba na umano siya ng isang pahayag kaugnay dito—ngunit wala pa siyang natatanggap na kumpirmasyon sa pagdalo ng mga nasabing mambabatas.

“Well, nag-issue ako ng statement encouraging all senators regarding kung majority or minority ka to attend,” saad ni Sen. Gatchalian.

Aniya pa, “I’m calling on all of them, wala pa akong nakakausap from their bloc.”

Natanong din siya ukol sa posibilidad na makapaghalal ng panibagong Senate President ang mga mambabatas; at kung may negosasyon mang nagaganap patungkol dito.

“Let’s see, let’s see, let’s see. I don’t want to comment on that,” ani Sen. Gatchalian.

“Ang importante naman para sa akin ay itong mga bills ay matapos saka ‘yong CA ma-confirm ‘yong mga generals,” aniya pa.

Inisa-isa rin ng Senate President Pro Tempore ang aniya’y mga magiging ganap sa nabanggit na sesyon.

“So tomorrow, mayroon kaming mga na-identify na bills—pero pinakaimportante ‘yong five generals na iko-confirm tomorrow,” anang Senate President Pro Tempore.

Aniya, “Tapos ‘yong mga bills na na-identify namin ‘yong Geriatric Health Bill; ‘yong GASTPE, ‘yong vouchers ipa-expand natin from Grade 1 to Grade 6; and then mayroon kaming resolution to commend ‘yong mga frontliners; and then may resolution din para sa dagdag-tulong sa Mindanao earthquake; ‘yong dalawang citizenship na nabinbin for a long time, so babalik na naman ‘yong dalawa; at may dalawang agriculture bills si Sen. Pangilinan na ita-tackle namin bukas.”

Pagkumpirma pa niya, magsisimula raw ang special session ng 9:00 ng umaga, at ineestima nilang matapos ito ng 4:00 o 5:00 ng hapon.