Tatanggap na ng benepisyo ang mga miyembro ng Social Security System na nawalan ng trabaho.
Ito ay batay sa Republic Act 11199 o Social Security Act of 2019.
Ayon kay Senator Richard Gordon, may akda ng nasabing batas, may mga probisyon ang RA 11199 para maayudahan ang mga nawalan ng trabaho sa pamamagitan ng unemployment insurance.
“For the first time in the country's history, meron na ngayong unemployment insurance. It will start with two months, at least meron kang P10,000 a month if you had been paying contributions under the maximum salary credit. For two months, makakapaghanap ka ng trabaho,” ani Gordon.
Sa ilalim ng Section 14-B ng RA 11199, tatanggap ng 50 porsiyento ng buwanang sahod sa loob ng dalawang buwan ang isang SSS member na nawalan ng trabaho.
Aniya, kailangan lang na hindi hihigit sa 60 anyos ang miyembro at dapat na nakabayad ng SSS premium sa loob ng 36 na buwan, ang 12 buwan dito ay nakapaloob sa 18 buwan bago nawalan ng trabaho. Isang beses lang itong makukuha sa loob ng dalawang taon.
-Leonel M. Abasola