Bumuo na ang Eastern Police District ng Special Investigation Task Group upang maresolba ang kaso ng pananambang at pagpatay sa isang negosyante sa Mandaluyong City nitong Linggo ng hapon, na nagresulta rin sa pagkamatay ng isa pa.

TAGOS! Patay ang dalawang lulan ng van nang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa pagitan ng Boni Avenue at Shaw Boulevard sa EDSA Mandaluyong City, nitong Linggo ng hapon.(JUN RYAN ARAÑAS)

TAGOS! Patay ang dalawang lulan ng van nang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa pagitan ng Boni Avenue at Shaw Boulevard sa EDSA Mandaluyong City, nitong Linggo ng hapon.(JUN RYAN ARAÑAS)

Ayon kay EPD Director Chief Supt. Bernabe Balba, ang SITG Yulo ang tututok sa kaso ng pagpatay kay Jose Luis Yulo, 62, negosyante, ng Ayala Alabang Village, Muntinlupa City; gayundin kay Allan Nomer Santos, 55, flight operation staff/driver na kaibigan ni Yulo, taga-Las Piñas City. Nasugatan naman sa pamamaril si Esmeralda Ignacio, 38, stock broker, taga-Las Piñas City din.

Batay sa ulat ng Mandaluyong City Police, na pinamumunuan ni Senior Supt. Moises Villaceran Jr., dakong 3:30 ng hapon nang mangyari ang krimen sa EDSA southbound, sa tapat ng Victor R. Potenciano (VRP) Hospital, sa Barangay Highway Hills, sa Mandaluyong City.

Eleksyon

True partners, subok na raw: Romualdez, hinikayat iboto buong Alyansa

Sakay umano sa puting Toyota Grandia (NOS-361) ang mga biktima at bumabagtas sa naturang lugar nang pagsapit sa harapan ng pagamutan ay bigla na lang silang agapayan at pagbabarilin ng mga suspek, na magkaangkas sa isang motosiklo.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga salarin, na kapwa nakasuot ng jacket at helmet.

Kaagad namang isinugod sa pagamutan ang mga biktima, ngunit patay na sina Yulo at Santos.

Ayon naman kay Villaceran, layunin ng itinatag na SITG Yulo na mapabilis ang imbestigasyon sa kaso, para sa agarang pagkaresolba nito.

Sa kasalukuyan, aniya, ay naisailalim na sa awtopsiya at naibalik na sa kani-kanilang pamilya ang dalawang nasawi.

Tiniyak naman ni Villaceran na gagawin nila ang lahat upang mapanagot ang mga salarin sa batas, at nangangalap na ng mga CCTV footage ng insidente upang makatulong sa imbestigasyon.

Ilan, aniya, sa mga posibleng motibo sa krimen na iniimbestigahan nila ay kung may kinalaman ba ito sa negosyo.

“Negosyante po si Mr. Yulo, marami pong negosyo. So isang motibo po ‘yun na iniimbestigahan namin ngayon,” ani Villaceran.

Kakausapin rin, aniya, nila ang pamilya Yulo upang matukoy kung may nalalaman silang mga taong kaalitan ng biktima, kung may mga natatanggap ba itong mga pagbabanta sa kanyang buhay, at kung may nalalaman silang anumang impormasyon na posibleng maging susi sa pagresolba ng krimen.

Lumilitaw rin umano na planado ang pagpatay at ‘tila mga propesyunal ang mga gumawa ng krimen, dahil alam na alam ng mga ito ang lugar kung saan matrapik at kung saan walang mga pulis at traffic enforcers na nakabantay.

Sa inisyal aniyang impormasyon, .45 caliber pistol ang ginamit sa pagpatay, ngunit subject for verification pa ito, ayon kay Villaceran.

Galing rin aniya ng Angeles City ang tatlo at pabalik na sa Muntinlupa City nang maganap ang insidente.

Posibleng nadamay lang din si Santos sa krimen, dahil nirentahan lang ni Yulo ang van ng una.

Nakatanggap rin naman aniya ng impormasyon ang pulisya na may tatlong anak si Yulo kay Ignacio, ngunit beberipikahin nila ito, ayon kay Villaceran.

Nakausap na rin naman umano ni Villaceran nang personal si Ignacio ngunit saglit lang dahil naka-anaesthesia pa ito.

Kahapon, aniya, ay isinailalim na sa operasyon si Ignacio dahil sa tinamong tama ng bala sa braso.

Kaugnay nito, umaapela rin naman si Villaceran sa mga taong posibleng nakakita at may nalalaman sa krimen na lumutang at kumontak sa kanilang tanggapan upang magbigay ng kaukulang impormasyon na makatutulong sa paglutas ng kaso.

-Mary Ann Santiago