Kinumpirma na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagsasampa nila ng kaso laban sa mag-ina ng dating kongresistang si Mike Defensor.
Ayon sa mga ulat kabilang ang misis ni Mike na si Julie Rose at anak niyang si Miguel Gabriel Defensor sa mga kakasuhan ng NBI ng paglabag sa human trafficking at possession of illegal drugs.
Nag-ugat ang mga reklamo matapos ang naging pagsalakay ng NBI sa isang disco bar kung saan nasagip nila ng 54 na kababaihang sinasabing binibiktima umano ng modus nilang sexual exploitation.
Ayon sa nagkalat na report ng NBI, ginagawa nilang "customer care assistants" ang nasagip na kababaihan, kapalit ang tinatayang ₱10,000 hanggang ₱20,000 na halaga sa bawat customer.
Napag-alamang nangyayari umano ang sexual exploitation sa isang hotel na pagmamay-ari daw ng kumpanyang pinangangasiwaan ng mag-ina ni Defensor.
Nadiskubre din umano sa nasabing establisyemento ang mga illegal na droga.
Habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang inilalabas na pahayag ang pamilya Defensor. Bukas ang Balita para sa kanilang panig.