May 20, 2026

Home BALITA National

Rep. Romualdez, umapelang itigil prelim investigation ng Ombudsman!

Rep. Romualdez, umapelang itigil prelim investigation ng Ombudsman!
Photo courtesy: File Photo

Mariing umapela ang kampo ni Leyte 1st District Representative at dating House Speaker Martin Romualdez sa Office of the Ombudsman na itigil nito ang kanilang isasagawang preliminary investigation sa mga kasong maaari daw isampa laban sa kanilang kliyente. 

Ayon sa mga lumabas na ulat nitong Biyernes, Abril 24, 2026, mula sa ipinadalang dokumento ng kampo ni Romualdez sa tanggapan ng Ombudsman na nakapesta noong Abril 22, mababasang tinukoy nila ang ilang mga kaganapang nasaad ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na tila tumutuligsa umano sa dating House Speaker. 

“On several occasions, the Honorable Ombudsman has made public statements concerning Rep. Romualdez that evince a preconceived position on issues that are the subject of potential or ongoing inquiry,” pagsisimula nila. 

Diin nila, tila raw nabuo na ang impresyong akusado sa kasong plunder si Romualdez dahil sa mga nauna nang pahayag ni Remulla tungkol dito noon, kahit na wala pa naman daw sinisimulang preliminaryong imbestigasyon laban sa dating House Speaker. 

Pagsisimula nila, agad daw kasing sinabi ni Remulla noong Nobyembre 21, 2025, na pinag-aaralan na ng Ombudsman ang mga kasong maaaring may kaugnayan kay Romualdez at tila raw nakahanda na agad itong maghain ng kasong plunder noon pa lang Nobyembre 2025. 

National

Castro, kinudang si Bato lang nakinabang sa gulo sa Senado!

Pagbabanggit pa nila, inilahad daw muli ni Remulla sa isinagawa niyang press conference noong Abril 6, 2026, na tila seryoso na itong magsampa ng kasong plunder laban kina Romualdez at dating Senate President Francis “Chiz” Escudero. 

Anila, malinaw daw sa naging press conference na ito na nakaplano nang hamunin ng Ombudsman ang judicial precedents ng Korte Suprema sa pagbibigay ng patakaran tungkol kasong plunder kahit na hindi pa raw natatapos ang fact-finding ng imbestigasyon nito sa maanomalyang flood control projects. 

Noon naman daw Abril 16, 2026, sinabi umano ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na natapos na ang proseso ng fact-finding ng kanilang tanggapan at itinuturing nilang “master plunderer” si Romualdez sa usapin ng flood control anomalies. 

Idagdag pa raw ang tila naging mariin na pagtutol ni Remulla noong Martes, Abril 21, sa inapela ni Romualdez na travel clearance upang makapagpa-check up ng kaniyang kalusugan sa Singapore. 

Ani kasi ni Remulla, “baka hindi na bumalik” si Romualdez kaya delikadong payagan itong makaalis. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Baka 'di na bumalik eh!' Ombudsman, humirit sa Sandiganbayan ng hold departure order vs Romualdez

Tugon naman ng kampo ni Romualdez, tila “unequivocal” o malinaw ang naging pahayag ni Remulla na determinado na silang isang akusado ang kanilang kliyente sa kasong plunder kahit wala pa naman daw nasisimulang imbestigasyon laban sa mambabatas. 

“Such statements are unequivocal: the Honorable Office has already determined that our client is guilty of plunder even before any case has been filed and while it is still performing investigatory duties,” ‘ika nila. 

Saad pa nila, tila raw nagpakita ang Ombudsman ng “prejudgement” o paunang paghatol kay Romualdez sa tila naging partisipasyon ng huli sa maaanomalyang flood control projects. 

“They unmistakably demonstrate prejudgment and, in the minds of reasonable observers, render Rep. Romualdez's participation in the flood-control anomalies is a foregone conclusion,” buwelta nila. 

Dahil sa mga nabanggit, buong respeto raw silang humihiling ng “inhibition” o pagtitigil ng Ombudsman na magsagawa ng preliminaryong imbestigasyon sa mga reklamong maaaring isampa laban kay Romualdez. 

“Hence, to ensure that our client's right to due process is adequately protected, we are constrained to respectfully request that the Honorable Office inhibit itself from conducting the preliminary investigation of any complaint that may be filed against Rep. Romualdez,” pagtatapos pa nila. 

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag o tugon ang Office of the Ombudsman kaugnay rito. 

KAUGNAY NA BALITA: Kampo ni Rep. Romualdez, nagkomento sa hold departure order ng Sandiganbayan

KAUGNAY NA BALITA: Romualdez sa Ombudsman: 'Follow the rule of law and due process!'