BAWAT torneo sa Tanduay Athletics Volleyball Center (dating Cantada Sports Center) ay isang masayang magdiriwang.
At hindi maiiba ang gaganaping PVF-Tanduay Athletics Under 18 Boys & Girls Volleyball Championships sa Linggo (Pebrero 17) sa Tanduay Athletics Volleyball Center.
Kabuuang walong koponan sa boy and girl divisions ang magsasagupa sa isang araw na torneo sa multi-court center, na pangangasiwaan ni Dr. Otie Camangian bilang Tournament Director. Mga PVF referees mula sa iba’t ibang lalawigan ang tatayong mga opisyal.
Kabilang sa mga kalahok ang koponan ng Infanta at Lucban sa Quezon; Dasmariñas at Imus sa Cavite; Balanga, Bataan; Pasig; Muntinlupa; Antipolo; Laguna; at Baguio City. Karamihan sa mga kalahok ay mga estudyante ng pampublikong paaralan sa gabay ng Department of Education (DEPED).
Tulad nang mga nagdaang torneo sa Cantada, libre ang entry fee, gayundin ang pagkain at inumin. Para sa mga delegado na kailangang mag-overnight, libre rina ng accommodation.
Sa pangangalaga ng pamilya Cantada, mistulang bakasyunista ang mga kalahok sa kanilang pamamalagi sa Center na may swimming pool, jacuzzi, billiards at basketball court na gawa sa kahoy na sahig na tulad nang ikinabit sa MOA Arena at Araneta Coliseum.
Itinataguyod ang torneo ng Tanduay Athletics at ni sportsman Bong Tan. Jr.