July 15, 2026

Home BALITA

DOJ, wala ring natanggap na impormasyon hinggil sa ICC arrest warrant kay Sen. Go

DOJ, wala ring natanggap na impormasyon hinggil sa ICC arrest warrant kay Sen. Go
Photo courtesy: vvia DOJ

Nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na wala pa itong natatanggap na anumang opisyal na komunikasyon mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng mga ulat na may inilabas umanong warrant of arrest laban kay Sen. Christopher “Bong” Go.

Ang paglilinaw ay ginawa ng DOJ matapos ang pahayag ni Davao City 1st District Representative Paolo “Pulong” Duterte na umano’y naglabas na ang ICC ng mga warrant laban kay Go at dalawang dating opisyal ng pulisya.

“A highly reliable source informed me that ICC arrest warrants against Senator Bong Go and two former police officers have already been issued. Wala na ba talagang katapusan ang administrasyong ito sa paggamit ng ICC bilang political weapon laban sa kanilang mga kalaban?” ani Pulong.

KAUGNAY NA BALITA: Trillanes sa ICC arrest warrant vs Sen. Go: 'Wag kayong magpapaniwala d'yan kay Pulong!'

Ayon sa DOJ, nakipag-ugnayan na ito sa Philippine Center on Transnational Crime (PCTC) upang beripikahin ang impormasyon, ngunit wala rin umanong natatanggap na anumang opisyal na abiso ang naturang ahensya.

Rep. Tinio, pinasisibak si Go!

“We confirm that we have not received any official communication from the ICC regarding the alleged issuance of a warrant of arrest against Sen. Bong Go. This information was verified with the PCTC as of 10AM this morning,” pahayag ni DOJ spokesperson Polo Martinez.

Batay sa DOJ, mahalaga ang pagkakaroon ng pormal na komunikasyon mula sa ICC bago makumpirma ang anumang legal na hakbang o kautusan na may kaugnayan sa mga personalidad na sinasabing saklaw ng imbestigasyon ng internasyonal na hukuman.

Kasunod nito, sinabi rin ng DOJ at PCTC na wala silang natatanggap na dokumento o opisyal na notice na magpapatunay sa umano’y paglalabas ng warrant laban kay Go at sa dalawang dating police officers na nabanggit sa mga ulat.

Patuloy namang sinusubaybayan ng mga awtoridad ang mga development kaugnay ng usapin. Sa ngayon, nananatiling walang opisyal na kumpirmasyon mula sa ICC hinggil sa sinasabing warrant of arrest.

Sa kabila ng mga kumakalat na impormasyon, iginiit ng DOJ na tanging mga opisyal at beripikadong komunikasyon lamang ang kanilang kinikilala sa mga usaping may kinalaman sa internasyonal na proseso at kooperasyon sa pagpapatupad ng batas.