July 26, 2026

Home BALITA National

Trillanes sa ICC arrest warrant vs Sen. Go: 'Wag kayong magpapaniwala d'yan kay Pulong!'

Trillanes sa ICC arrest warrant vs Sen. Go: 'Wag kayong magpapaniwala d'yan kay Pulong!'
File Photo

Pinatutsadahan ni dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV si Davao 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte kaugnay sa ibinunyag ng huli na may warrant of arrest na raw ang International Criminal Court (ICC) laban kay Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go. 

Matatandaang inihayag ni Rep. Pulong sa kaniyang Facebook post noong Miyerkules, Hunyo 17, 2026, ang impormasyong nakarating sa kaniya na may arrest warrant na raw ang ICC laban kay Go at dalawa pa raw na dating pulis.

“A highly reliable source informed me that ICC arrest warrants against Senator Bong Go and two former police officers have already been issued,” ani Rep. Pulong. 

Buwelta pa niya, “Wala na ba talagang katapusan ang administrasyong ito sa paggamit ng ICC bilang political weapon laban sa kanilang mga kalaban?” 

Sa naging pahayag naman ni Trillanes sa kaniyang Facebook post nitong Huwebes, Hunyo 18, sinabi niyang huwag daw maniwala ang publiko kay Rep. Pulong dahil wala pa naman daw lumalabas na warrant of arrest mula sa ICC laban kina Go. 

National

Mayor Leni, ibinidang 'recipient' ang Naga sa mga nagawa ng PBBM admin

“Wag kayo magpapaniwala dyan kay Pulong,” pagsisimula niya. 

Dagdag pa niya, “Wala pang ICC warrant na lumabas para kanino man.” 

Patutsada ni Trillanes, kung totoo man daw ang balita, hindi malalaman ni Rep. Pulong na may warrant of arrest laban kina Go kagaya raw ng nangyaring pagdakip sa ama ng huli na si dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 2025. 

“Kung may lalabas man later on, siguradong di nya malalaman yan gaya nung di nalaman ng tatay nya na may warrant na sya,” pagtatapos pa niya. 

Kaugnay nito, nauna na ring sinagot ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro nitong umaga ng Huwebes, Hunyo 18, ang binuwelta ni Rep. Pulong na ginagamit lang daw ng administrasyon ang ICC bilang “political weapon.”

KAUGNAY NA BALITA: Palasyo, tumirada kay Rep. Pulong; dehins daw 'political weapon' ang ICC!