July 19, 2026

Home BALITA Probinsya

Lalaki, sinaksak ng isang menor de edad habang nasa lamay!

Lalaki, sinaksak ng isang menor de edad habang nasa lamay!
Photo courtesy: Unsplash

Sugatan ang isang 18-anyos na estudyante matapos umano itong saksakin ng 17-anyos na kapwa estudyante sa gitna ng isang lamayan sa Barangay Tamurong 2nd, Candon City, Ilocos Sur.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Candon City Police Station, naganap ang insidente habang dumadalo ang biktima sa isang lamay sa naturang barangay. Ayon sa mga awtoridad, dumating umano ang suspek at sinampal ang balikat ng biktima, na nauwi sa pagtatalo ng dalawa.

Sa gitna ng komprontasyon, gumanti umano ng suntok ang biktima. Dito na umano bumunot ng patalim ang suspek at sinaksak ang biktima sa bahagi ng dibdib at kamay.

Agad na isinugod ang biktima sa Candon City Hospital upang mabigyan ng medikal na atensyon. Ayon sa mga awtoridad, nananatili itong nagpapagaling matapos magtamo ng mga sugat sa pananaksak.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek at tinangay pa umano ang ginamit na patalim. Kaagad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang pulisya upang matunton ang kinaroroonan nito.

Probinsya

Bala ng baril at umano'y liham para sa mga bully, natagpuan sa building ng eskwelahan sa Bacolod!

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong motibo ng pananaksak at kung may naunang alitan ang dalawang estudyante bago ang insidente.

Dahil menor de edad ang suspek, nakikipag-ugnayan na rin ang pulisya sa mga magulang nito at sa mga kinauukulang ahensya para sa wastong pagproseso ng kaso alinsunod sa Juvenile Justice and Welfare Act.

Inaalam din ng mga imbestigador ang posibleng mga kasong maaaring isampa laban sa suspek kaugnay ng nangyaring pananaksak. 

Samantala, hinihikayat ng pulisya ang mga nakasaksi sa insidente na makipagtulungan upang mapabilis ang paglutas sa kaso.