July 23, 2026

Home BALITA Politics

Sen. Go sa umano’y ICC warrant: ‘Ipinagpapasa-Diyos ko na lamang po ang lahat’

Sen. Go sa umano’y ICC warrant: ‘Ipinagpapasa-Diyos ko na lamang po ang lahat’
Photo courtesy: Bong Go/FB


Tahasang ipinahayag ni Sen. Bong Go na ipinagpapasa-Diyos niya na lamang daw ang lahat ng nangyayari, matapos umugong ang umano’y warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban sa kaniya hinggil sa war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isang pahayag na ibinahagi ni Sen. Go nitong Huwebes, Hunyo 18, idiniin niya ring wala umano siyang nilabag na anumang batas—sa tao man o sa Diyos.

“Ipinagpapasa Diyos ko na lamang po ang lahat. Buong buhay ko, wala po akong nilabag na anumang batas ng tao o batas ng Diyos,” saad ni Sen. Go.

Aniya, “Police matters have never been part of my mandate. I hope and pray na hindi mapupulitika ang issue hinggil sa sinasabing ICC warrant daw laban sa akin.”

Giit pa ng mambabatas, ipagpapatuloy niya ang pagtatrabaho, at hindi umano niya sasayangin ang tiwala ng taumbayan sa kaniya.

“Umasa po kayo na patuloy lang ako sa aking pagseserbisyo, dahil 'yan ang kailangan ngayon ng ating kapwa Pilipino,” anang mambabatas.

“Hindi ko sasayangin ang tiwalang ibinigay sa akin ng 27 milyong Pilipino,” pagtatapos ni Sen. Go.

Sa kaugnay na ulat, matatandaang isiniwalat ni Davao 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte na may isa umanong mapagkakatiwalaang source siyang nagsabi na may warrant of arrest na raw na inisyu ang ICC laban sa senador.

“A highly reliable source informed me that ICC arrest warrants against Senator Bong Go and two former police officers have already been issued,” ani Rep. Pulong sa kaniyang Facebook post noong Miyerkules, Hunyo 17.

Buwelta naman ni dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV, huwag daw paniwalaan ang sinasabi ng kongresista.

“Wag kayo magpapaniwala dyan kay Pulong. Wala pang ICC warrant na lumabas para kanino man. Kung may lalabas man later on, siguradong di nya malalaman yan gaya nung di nalaman ng tatay nya na may warrant na sya,” saad ni Trillanes sa kaniya ring Facebook post nito namang Huwebes, Hunyo 18.

MAKI-BALITA: Trillanes sa ICC arrest warrant vs Sen. Go: 'Wag kayong magpapaniwala d'yan kay Pulong!'-Balita

Samantala, wala pang kumpirmasyong inilalabas ang ICC kaugnay sa usaping ito.