Nasa 37 bloke ng hinihinalang cocaine ang natagpuan ng mga mangingisda na palutang-lutang sa karagatan ng Dinagat Islands, dalawang araw makaraang malambat sa Camarines Norte ang nasa P5.44-milyon cocaine nitong Linggo.
Si Gonie Curada, ng Purok 2 Barangay Poblacion, Cagdianao, Dinagat Islands, ang nakadiskubre sa bloke-bloke ng hinihinalang cocaine habang nangingisda sa Sitio Habongan nitong Martes, Pebrero 12, batay sa report na nakarating sa Philippine National Police (PNP) headquarters sa Camp Crame, Quezon City.
Natagpuan ang bloke-blokeng cocaine dalawang araw makaraang lumutang sa karagatan ng Camarines Norte at malambat ng dalawang mangingisda ang 1,000 kilo ng cocaine.
Ayon sa Police Regional Office (PRO)-13, kaagad na ipinagbigay-alam ni Curada ang nadiskubre niyang droga sa Cagdianao Municipal Police, at dinala ang mga kontrabando sa Caraga Crime Laboratory Office sa Butuan City para suriin.
Sinabi ni Senior Supt. Bernard Banac, tagapagsalita ng PNP, na kaagad na nagsagawa kahapon ng follow-up operation ang lokal na pulisya upang matukoy ang aktuwal na halaga ng sinasabing cocaine, kaugnay na rin ng posibilidad na may iba pang droga sa Dinagat.
“Wala pang total weight at total estimated amount, kasi meron pa silang ire-recover sa site, and other parts of shoreline, possibly more blocks of cocaine pa,” ani Banac.
Ilang beses nang may nadidiskubreng ilegal na droga na palutang-lutang sa dagat, gaya ng 28 selyadong pakete ng high-grade cocaine na nagkakahalaga ng P162 milyon sa Lucena City, Quezon noong Abril 2017; 24 kilo ng cocaine bricks na nasa P125 milyon ang halaga, sa Matnog, Sorsogon noong Enero 2018; at 18.8 kilo ng cocaine, na nagkakahalaga ng P79 milyon, sa Divilacan, Isabela, noong Pebrero 2018.
-Martin A. Sadongdong at Fer Taboy