UMUKIT ng kasaysayan ang Trinity University matapos gapiin ang Nyro Saints, 76-69, nitong Martes para tanghaling unang kampeon sa Quezon City Basketball League (QCBL) Open division sa NRMF gymanasium.
Hataw si Daniel De Guzman sa naiskor na 29 puntos, kabilang ang 22 sa second half para akayin ang Stallions mula sa 25-35 paghahabol sa halftime tungo sa kampeonato sa torneo na itinataguyod ng Wilson, Cashen Advertising, FEU-NRMF, Fit N Rite, Smart Communication at Kyzox Foundation.
Sinabi ni Trinity coach Alvin Grey na ang kanilang paglalaro sa QCBL ay bahagi ng paghahanda sa kanilang nalalapit na pagsalang sa unang pagkakataon sa PBA D-League.
“Magandang chances sa amin itong paglalaro sa QCBL para makapag gel ang mga bata. Ang ganda agad ng teamwork nila dito,” sabi ni Grey na may pitong bagong players sa kanyang line-up.
Sa iba pang laban, ginapi ng SSI Metal ang Magic Seven, 96-87, upang makopo ang Cadet Division crown habang tinalo ng Nemesis and Regalado Vet, 101-90, para maangkin ang Starter Division title.
Nagpasalamat si QCBL Executive Director BJ Manalo sa lahat ng koponan na nakiisa sa unang taon ng QCBL.
“We thank all our teams, from the owners to the coaches and players, and our sponsors for making our first QCBL successful,” pahayag ni Manalo, dating De La Salle University Archer at team executive ng Globalport sa PBA.