NAGPAKITA ng tatag ng kalooban at ng taglay nilang karanasan ang Arellano University upang tuluyang wakasan ang Cinderella run ng University of Perpetual Help System Dalta sa pamamagitan ng 22-25, 25-15, 25-18, 25-18 paggapi sa huli nitong Martes sa NCAA Season 94 Volleyball Tournament women’s finals sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.
Kumamada si Regine Anne Arocha ng game-high 16 puntos na kinabibilangan ng limang service aces upang tulungan ang Lady Chiefs na makopo ang series (2-1) at maangkin ang ikatlong sunod nilang titulo at pang-apat sa pangkalahatan sa nagdaang limang taon.
Dahil sa ipinamalas nitong performance, tinanghal si Arocha na Finals MVP sa ikalawang sunod na pagkakataon.
Nag-ambag naman sa nasabing panalo sina Princess Bello at Season MVP Nicole Ebuen ng 12 at 11 hits ayon sa pagkakasunod.
Nakauna pa ang Lady Altas na siya ring nagwagi sa series opener, ngunit hindi na sila pinaporma ng Lady Chiefs sa sumunod na tatlong frames.
Sanhi ng kabiguan, hindi rin nakamit ng Perpetual ang hangad na triple championship sa volleyball.
Nauna ng nagtala kapwa ng season sweep ang kanilang men’s at juniors squads para maiuwi ang unang dalawang titulo.
-Marivic Awitan