Nakalaya at balik-trabaho na si Rappler CEO, Executive Editor Maria Ressa matapos na maglagak ng piyansa para sa kasong cyber libel sa Manila Regional Trial Court, ngayong Huwebes.
Sa ganap na 11:00 ng umaga, nagtungo si Ressa, kasama ang kanyang legal counsel, kay Manila RTC Branch 45 Judge Maria Teresa Abadilla upang maglagak ng P100,000.
Kinumpirma ni Atty. JJ Disini, abogado ni Ressa, na plano nilang maghain ng motion to quash sa hukuman at kuwestiyunin ang impormasyong inihain sa hukuman kaugnay ng naturang kaso.
Una rito, inaprubahan ng Department of Justice (DoJ) ang pagsasampa ng kaso laban kina Ressa at dating reporter na si Reynaldo Santos, Jr., na inihain ng negosyanteng si Wilfredo Keng.
Naglabas ng warrant of arrest ang hukuman at bago mag-6:00 ng gabi nitong Miyerkules, inaresto si Ressa ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kanyang opisina sa tanggapan ng Rappler sa Ortigas Avenue, Pasig City.
Nag-ugat ang pag-aresto sa reklamong inihain ni Keng kaugnay ng artikulong "CJ using SUVs of controversial businessman", kung saan siya tinukoy na may-ari ng SUV na ginamit ni dating Chief Justice Renato Corona sa impeachment trial.
Itinanggi umano ni Keng ang alegasyon at hiniling na tanggalin ang artikulo, ngunit tumanggi umano ang Rappler.
Gayunman, iginiit ni Ressa na hindi siya maaring kasuhan dahil ang cybercrime law ay hindi pa aprubado nang mailathala ang balita noong Mayo 29, 2012.
Nabatid na Setyembre 12, 2012 lamang nang aprubahan ang cyber law at naging epektibo noong Oktubre 3, 2012.
Nagpahayag din ng paniniwala si Ressa na panggigipit lamang ng pamahalaan ang ginagawa sa kanya.
"My stay last night at the NBI reminded me once again of what this is all about: abuse of power and weaponization of the law. This is not just about me and Rappler. The message that the government is sending is clear: be silent of you’re next. Do not be silent--- even if and especially if you’re next. Express your outrage as I am doing now. Press freedom is not just about journalists, not just about me or Rappler. Press freedom is the foundation of all the rights of all Filipinos to the truth so we can hold the powerful to account," ani Ressa.
Kaugnay nito, itinakda ng Manila RTC ang arraignment o pagbasa ng sakdal laban kay Ressa sa Marso 1, sa ganap na 8:30 ng umaga.
-Mary Ann Santiago