Kaagad na sinibak sa puwesto ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Chief Supt. Guillermo Eleazar ang isang hepe ng Police Community Precinct (PCP) at apat nitong tauhan matapos umanong payuhan ng mga ito na makipag-areglo na lang ang magulang ng tatlong estudyante na sinasabing minolestiya ng lalaking Chinese, na kanilang naaresto sa Pasay City.
Kinilala ang mga sinibak na si PCP 1 commander Chief Insp. Remedios Terte, at mga tauhan niyang sina SPO3 Timothy Mengote; SPO2 Jonathan Bayot; PO3 Archie Rodriguez; at PO3 Ranier Dumanacal.
Dakong 11:00 ng gabi nitong Pebrero 7 nang dakpin nila si Zhang Yang, 19, pansamantalang nakatira sa Antel Tower, Pasay City, sa loob ng isang horror house sa isang amusement park.
Unang nakatanggap ng reklamo ang PCP 1 kaugnay ng umano'y pangmomolestiya ng dayuhan sa tatlong babaeng estudyante, pawang 18-anyos, sa loob ng amusement park.
Sa presinto, pinayuhan ng mga pulis ang mga ina ng tatlong biktima na makipag-areglo na lang kay Zhang subalit hindi pumayag ang mga ito, at itinuloy ang pagsasampa ng acts of lasciviousness sa Pasay Prosecutor’s Office laban sa suspek.
Kaugnay nito, nagsumbong ang mga magulang ng mga biktima sa tanggapan ni Eleazar tungkol sa naging payo umano sa kanila ng mga pulis, na nagbunsod sa pagkakasibak sa mga ito.
-Bella Gamotea