Kinumpirma ngayong Lunes ng isang opisyal ng Department of Health na kasabay ng pagsusumikap nilang makontrol ang outbreak ng tigdas sa maraming lugar sa bansa, dumadami rin ang kaso ng dengue, partikular na sa Central Visayas.
Ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo, tagapagsalita ng DoH, ang mga pag-uulan sa Visayas sa nakalipas na mga araw ang dahilan ng pagdami ng kaso ng dengue sa rehiyon.
Nabatid na sa Central Visayas (Region 7) pa lang ay nakapagtala na ang DoH-Region 7 ng 2,132 dengue cases ngayong taon pa lang, at 18 sa mga ito ang nasawi: 14 ang binawian ng buhay noong nakaraang buwan, at apat nitong unang bahagi ng Pebrero.
Aminado naman si Domingo na napaka-unusual ng ganitong pangyayari sa ganitong panahon ng taon, at sinabing posibleng dahil ito sa climate change.
“This is very unusual for this time of the year. The changes in climate has been making dengue a year-long problem—dati, hinihintay lang natin 'yan pag tag-ulan,” sinabi ni Domingo sa panayam sa telebisyon.
Dahil nananatiling kontrobersiyal sa bansa ang bakuna kontra dengue na Dengvaxia, sinabi ni Domingo na pag-iingat ang pinakamahusay na proteksiyon ng publiko laban sa dengue.
Kinakailangan aniyang mapigilan ang lamok sa pagkalat, sa pamamagitan ng paglilinis sa mga lugar na maaaring maimbakan ng mga tubig-ulan, na pinamamahayan ng lamok.
-Mary Ann Santiago