Koronadal archers, dominante sa BP Mindanao
TAGUM CITY – Tinupad ni John Carlo Margarito Loreno ng City of Koronadal ang pangakong tagumpay sa ama matapos angkinin ang gintong medalya sa mga nilahukang event sa archery sa 2019 Batang Pinoy Mindanao Leg kahapon sa Davao del Norte Sports Complex dito.
Pitong makikinang na ginto ang nakuha ng 15-anyos na si Loreno na kanyang hinakot na tagumpay sa 30m, 40m, 50m, 60m Cadet boys round, single fita, mixed team at Olympic round sa pagtatapos ng archery event kahapon.
Maagang nagdiwang ang tropa ng City of Koronadal sa panalo ni Loreno, ngunit kagyat itong naudlot nang ideklara ng game official ang shootout dahil nagtabla sila ni Mysel Maggallenes ng Maco Compostela Valley sa huling event ng Olympic round.
Gayunman, senelyuhan ni Loreno ang impresibong kampanya para tanghaling ‘Most Bemedalled Athlete’ sa grassroots sports program ng Philippine Sports Commission (PSC).
“Akala ko po talaga tapos na. Kaya nagpapicture na po ako, pero noong sinabi na isa pa, eh nilaro ko na lang po. Buti na lang at naipanalo ko pa rin po yung last shot,” pahayag ng Grade 9 student ng Koronadal City Comprehensive National High School.
Bukod kay Loreno, nag-ambag din ng limang gintong medalya at isang silver ang kanyang teammate na si Precious Micah Basadre matapos na dominahin ang Cadet Girls 60m event sa kanyang 6-2 panalo kontra Ynjel Mikaella Gimena ng Zamboanga City.
Sa swimming, nakakuha ng limang gintong medalya si John Alexander Michael Talosig ng North Cotabato matapos na pagharian ang 400m freestyle sa kanyang 4:28.85 oras.
Samantala nagtala naman ng kanyang ikalimang gold medal si Liaa Margarette makalipas na makopo ang ginto sa 200m Butterfly at sa 200m freestyle 4x50m relay kasama ang kanyang kapatid na si Lorah sa nasabing event.
Sa athletics, nakuha ni Aaron Gumban ng Sto. Tomas Davao del Norte ang kanyang ikalawang ginto buhat sa 2000m steeplechase nang itala ang 7:06.11 matapos na kunin ang unang ginto sa athletics sa 5000m run kamakalawa.
-ANNIE ABAD