Bumuwelta si Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Rueda Acosta sa mga paninising ibinabato sa kanya hinggil sa pagdami ng kaso ng tigdas sa bansa, kaugnay ng paghawak ng kanyang opisina ng mga kasong may kaugnayan sa Dengvaxia vaccine.
Sinabi ni Acosta na kung dumami man ang kaso ng tigdas, ang Department of Health (DoH) ang dapat na kuwestiyunin tungkol dito.
Iginiit ni Acosta na tungkulin ng DoH na magsagawa ng kampanya kontra sa mga sakit, dahil ang kagawaran ang may malaking pondo para gawin ito, kaya nakapagtataka, aniya, na sisihin ang PAO sa isyu.
Dagdag pa ni Acosta, ang mga ibinunyag ng PAO hinggil sa usapin ng Dengvaxia—bakuna kontra dengue na sinasabing dahilan sa pagkamatay ng ilang batang nabakunahan nito—ay pawang katotohanan lamang.
Napaulat din na tinawag ni Acosta na “Boy Sisi” si Health Secretary Francisco Duque III.
Nakahanap naman si Acosta ng kakampi kay Justice Secretary Menardo Guevarra makaraang sabihin kahapon ng kalihim na hindi dapat sisihin si Acots sa pagkatakot ng publiko sa bakuna.
“PAO Chief Acosta is just doing her job and certainly does not intend to scare the public about the possible negative effects of vaccination in general,” sabi ni Guevarra. “That’s why the DoH, with the President’s support, will launch a vigorous campaign to inform the people about the necessity of vaccination to prevent common illnesses such as flu and measles.”
-Beth Camia at Jeffrey G. Damicog