TAGUM CITY – Tinanghal na ‘first gold medal winner’ sa athletics ang pambato ng Sto Tomas Davao del Norte na si Aaron Gumban nang pagwagihan ang 5000 meter Run boys 13-15 sa ikaapat na araw ng 2019 Batang Pinoy Mindanao Leg sa Davao del Norte Sports Complex dito.

AGAW pansin si Rona Bacus ng Cagayan de Oro City sa pinagbidahang triple jump event.

AGAW pansin si Rona Bacus ng Cagayan de Oro City sa pinagbidahang triple jump event.

Humaribas si Gumban, anak ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) na nasa Dubai, tungo sa 17:14.00 upang pagbidahan ang pagharian ang nasabing event sa huling taon nang pagsabak sa grassroots sports program ng Philippine Sports Commission (PSC).

“Masaya po, kasi last year ko na po ito sa Batang Pinoy buti naka gold po,” pahayag ng 14-anyos na si Gumban na naging malakas na pamnbato din ng kanyang LGU noong 2018 Batang Pinoy na ginanap sa Oroquieta City.

Ilang volleyball stars pina-auction jersey; tulong sa player na may liver cancer

Nakakuha ng gold si Gumban sa nasabing leg noong nakaraang taon , ngunit bigo na makapaglaro sa National Finals na ginanap sa Baguio matapos ang di inaasahang ankle injury.

Isa lamang ang hinihiling ngayon ng pambato ng Sto Tomas Davao del Norte, ang muling makita ang kanyang ina na dalawang taon na niya hindi nasisilayan buhat nang umalis patungong Dubai.

“Uwi ka na ma,” emosyonal na pahayag ni Gumban.

Bumuntot kay Gumban si Lordy Salpid ng General Santos City sa kanyang 19:05.07 at Romie Laviste Jr. ng Hagonoy Davao del Norte, sa 19:12.66 sa orasan.

Sa triple jump, nakamit ni Rona Bacus ng Cagayan de oro City ang ginto matapos maselyuhan ang 11.01 metro distansiya.

Ang 14-anyos na si Bacus ay Grade 8 student ng Balubal National High School ng CDO at target na walisin ang kanyang tatlong events sa nasabing kompetisyon, kung saan lalaban pa siya sa long jump at high jump events.

“Gagawin ko po ang lahat para makakuha ulit ng gold, para po masulit yung training na ginawa po namin,” ayon kay Bacus.

Sa archery, sisikapin ni John Carlo Margarito Loreno ng City of Koronadal na kunin ang kanyang ikapitong ginto ngayong ikalimang araw ng kompetisyon ng Batang Pinoy na suportado ng STI College Davao del Norte at Alfalink Total Solutions.

Una nang nakuha ni Loreno ang mga ginto sa 30m, 40m, 50m, 60m Single Fita at Mixed team kamakalawa, habang hahabulin niya na itala ang ikapitong gold ngayong araw na ito sa Olympic Round.

“Kaya ko pong ma sweep at pipilitin ko po na masweep. Pagsusumikapan ko po na makuha yung last gold for today,” pahayag ng 15-anyos na archer na grade 9 student ng Koronal National Comprehensive High School.

Sa swimming, apat na ginto naman ang hinakot ni John Alexander Michael Talosig ng North Cotabato sa kanyang nilangoy na limang events sa una at ikalawang araw.

-Annie Abad