Siyam na katao, kabilang ang dalawang menor de edad, ang inaresto dahil sa walang habas na pagpapaputok ng baril sa Malate, Maynila kahapon.

Desidido ang pamunuan ng Manila Police District (MPD) na sampahan ng mga kaukulang kaso sina Anjo Padilla, 27; Jeffrey Mendoza, 32; Luilius Dolante, 30; Maryjay Dominguez, 29; Beucan Morillo, 23; Wendel de Guzman, 24; Marc Senez, 21; at dalawang 16-anyos.

Sa ulat ng MPD-Malate Police Station 9, nangyari ang insidente sa M.H del Pilar Street, kanto ng Aldecoa St., sa Malate, dakong 5:40 ng madaling araw.

Una rito, nakatanggap ng tawag ang pulisya mula sa isang concerned citizen hinggil sa pagpapaputok ng baril ng mga suspek sa lugar.

Eleksyon

ACT-CIS, Duterte Youth, PPP, at 4PS, nanguna sa 2025 Party-List Survey

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng MPD-Special Weapons and Tactics (SWAT) sa Roxas Boulevard, at inaresto ang mga suspek, na pawang nakasakay sa dalawang kotse na itim at orange.

Sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera, mapapanood ang mga suspek na bumaba sa sasakyan at bago muling sumakay ay isa sa kanila ang sunud-sunod na nagpaputok ng baril sa ere.

Isasailalim sa paraffin test ang mga suspek, upang matukoy kung sinu-sino sa kanila ang nagpaputok ng baril.

-Mary Ann Santiago