TAGUM CITY – Nagpamalas ng kahusayan at kahandaan ang magkapatid na Lorh Micah Amoguis at Liaa Margarette Amoguis ng Davao City matapos magwagi ng gintong medalya sa kani-kanilang events sa swimming competition ng 2019 Batang Pinoy Mindanao Leg kahapon sa Davao del Norte Sports Complex dito.
Nakuha ng 13-anyos na si Lorah ang ginto sa Girls 13-15 200m IM sa kanyang 2:35.06 tyempo, habang ang kanyang kapatid na si Liaa ay nagreyna sa Girls 11 200m IM sa oras na 2:39.06.
“We support each other in competition and in training,” pahayag ng nakatatandang Amoguis. “We motivate each other, to perform better everytime we compete,” aniya.
Hindi na bago ang panalo sa magkapatid na Amoguis gayung nagpakitang gilas din ang dalawa sa nakaraang edisyon Davao Regional Athletics Association (DAVRAA) sa nakalipas na buwan kung saan nakakuha ng anim na ginto si Liaa at apat naman si Lorah.
Naglaro din sila sa nakaraang BIMP-EAGA na ginanap sa Brunei noong nakaraang taon habang nanalasa rin ang magkapatid sa nakaraang edisyon ng Batang Pinoy noong 2018 sa Oroquieta at maging sa National Finals.
Nag-uwi rin ng medalya ang nakatatandang si Lorah buhat naman sa Palarong Pambansa dahilan kung bakit kinatatakutan ang magkapatid sa kanilang event.
Sa boys, 13-15 200mIM, nagwagi si John Alexander Michael Talosig ng North Cotabato sa kanyang naitalang 2:19.74 sa orasan, habang silver naman ang naiuwi ni Eryk John Omandam ng Davao del Norte sa 2:24.69 sa orasan kasunod si Albren Jan Dayapdapan ng Dipolog City na may 2:25 78 sa orasan.
Sa Arnis, nagpamalas naman ng galing ang magkapatid na sina Princess Sheryl Valdez at Shena May Valdez ng Tacurong City kung saan tigalawang ginto ang kanilang nasungkit.
Nakuha ni Princess ang kanyang ginto sa girls Individual weapon, at isa sa individual 2 weapons, habang ang kapatid na si Shena May naman ay ay nakakuha ng ginto sa junior team open weapon event at sa cadet team open weapon event.
Ang 12-anyos na si Princess siyang tinaguriang most bemedalled athlete sa 2018 Mindaneo leg ng Batang Pinoy na ginanap sa Oroquieta at nakaapat na ginto naman sa 2018 Palarong Pambansa sa Vigan.
Kasalukuyan namang nakikipagbuno sa ibang events ang mga batang atleta sa siyam na araw na kompetisyon na proyekto ng Philippine Sports Commission (PSC) at suportado ng STI at ALfalink Total Solutions.
-Annie Abad