NANGUNA ang Son Also Rises sa unang karera ng bagong season ng Philippine Racing Commission's Japan Cup Stakes Race nitong Linggo sa Manila Turf Club Race Track sa Malvar at Tanauan City, Batangas.
Sa presensiya nina Japan Racing Association representatives Hiroyuki Koezuka at Teruhisa Nishiyama, pakitang gilas ang Son Also Rises, sakay ang pamosong jockey na si Kelvin Abobo para gapiin ang mga karibal sa karera na laanpara sa apat na taon pataas.
Umani ang Son Also Rises na alaga nbi Benhur Abalos, Jr., ng P300,000, mula sa Philracom.
Matikas ang ratsada ng Son Also Rises, na umani ng tagumpay sa Philracom Grand Sprint Championship nitong Disyembre sa Malvar track.
“Maganda 'yung ipinakita ng kabayo ko kasi beterano na siya sa laban,” sambit ni Abobo.“Pero sa mga regular races, mas marami na kaming pinanalunan.”
Naitala ni Abobo ang perpektong limang panalo sa limang laban sa Metro Turf.
Naghabol ang Son Also Rises sa Lakan sa huling 400 meters bago humaribas sa huling 75 para angkinin ang panalo sa 1,400-meter race.
“Sinunod lang namin 'yung game plan na sundan 'yung mga matutulin. Noong hinihila na ako ng kabayo ko, binigay ko na 'yung gusto niya. Gusto niya na kuhanin 'yung harapan at gi-nuide ko lang siya. Tinipid ko, hanggang sa maka-buwelo siya para mayroon pa s'yang maibubuga. Noong last 300 meters, tingin ko nanalo na ako,” pahayag ni Abobo.
Bumuntot ang Mar Tirona’s Lakan (7YO male) para sa premyong P112,500 at Summer Romance (5YO male) para sa P62,500.
Ang iba pang nagwagi sa maghapong karera ay ang Willing Willie (Race 1), King Curry (Race 2), Tanforan (Race 3), Magical Bell (Race 5), Mighty Bon (Race 6), Can You Giub (Race 7), Lemon Drop Title (Race 8), Hantik (Race 9), Magaskawee (Race 10) at Ace Up (Race 11).
Ang JRA ay matatag na katuwang ng Philippine horse-racing industry. Nitong nakalipa sna taon, humigi ng tulong ang Philracom sa Japanese Racing Association Facilities Co. LTD. Director Kazuhiro Youfu at JRA Facilities Co. LTD. Adviser Sadamichi Imabayashi para mapataas ang kalida ng karera sa bansa.
“The JRA has been an ally of the Philracom for years. It is a partnership that has raised our racing standards as we hope to further strengthen this bond in the years to come,” pahayag ni Philracom Chairman Andrew A. Sanchez.