PHILADELPHIA (AP) — Isinantabi ni Kyle Lowry ang isyu hingil sa kanyang trade at pinangunahan ang Toronto Raptors sa impresibong 119-107 panalo kontra Philadelphia Sixers nitong Martes (Miyerkoles sa Manila).
Ratsada si Lowry sa naiskor na 20 puntos, kabilang ang ilang krusyal na tira sa final period, habang kumana si Kawhi Leonard ng 24 puntos para patunayan na anagta sila sa Eastern Conference rival.
Kumubra rin si Serge Ibaka ng 20 puntos.
Nanguna si Joel Embiid sa Sixers na may 37 puntos at 13 rebounds, habang tumipa sina Ben Simmons at Jimmy Butler ng 20 at 18 puntos, ayon sa pagkakasunod.
PACERS 136, LAKERS 94
Sa Los Angeles, tila hindi maapatan ang kaguluhan sa Lakers.
Ilang araw matapos malathala ang bangayan ng mga Lakers sa kanilang coach na si Luke Walton, natikman ng Lakers ang pinakamasaklap na kabiguan ng prangkisa sa panahon ni LeBron James.
Hataw si Bojan Bogdanovic sa naiskor na 24 puntos at naitala ng Pacers ang NBA franchise record 19 three-pointers.
Para kay James, ito rin ang pinakamasaklap na kabiguan natikman niya sa career. May dalawang ulit na natalo si James sa bentaheng 36 puntos.
Nagsalansan si Myles Turner ng 22 puntos at tumiap si Thaddeus Young ng 12 puntos, 11 rebounds at walong assists para sa ikatlong sunod na panalo ng Pacers.
Humirit si James ng 18 puntos, siyam na rebounds at pitong assists sa ikalawang laro mula nang ma-sidelined sa groin injury na nakuha niya noong Araw ng Kapaskuhan laban sa Golden State Warriors.
Nag-ambag si JaVale McGee ng 16 puntos.
CELTICS 103,
CAVALIERS 96
Sa Cleveland, ginapi ng Boston Celtics, sa pangunguna nina Jayson Tatum na may 25 puntos at Gordon Hayward na kumana ng 18 puntos, ang Cleveland Cavaliers.
Hindi nakalaro si All-Star guard Kyrie Irving, ngunit nanatiling matatag ang Celtics para sa ikalimang sunod na panalo.
Nanguna sa Cavs si rookie Collin Sexton na may 27 puntos.