Pinaniniwalaan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ipinalusot ng sindikatong “Golden Triangle” ang nasabat na P1.9 bilyong iligal na droga sa Tanza, Cavite, nitong Linggo ng hapon na ikinasawi ng dalawang Chinese drug trafficker.
Ito ang inihayag ni PDEA Director General Aaron Aquino at sinabing ang nasamsam na droga ay mula pa sa mga bansa sa Southeast Asia.
Itinatapon na lamang aniya sa karagatan ang mga package ng droga mula sa malalaking barko at dadamputin naman ang mga ito ng maliliit na bangka na magdadala naman nito sa mga baybaying-dagat.
Tinawag niyang “shipside smuggling” ang sistemang ito kung saan ang mga drogang ipinapalusot sa bansa ay galing pa sa hangganan ng Laos, Thailand at Myanmar
Tanging ito na lamang aniya ang pamamaraan ng sindikato matapos maghigpit ang mga awtoridad sa pagbabantay sa mga pangunahing entry point nito sa bansa.
Sinabi pa nito na makatitipid din ang sindikato dahil idinadaan lamang ang kontrabando sa Sulu Sea.
Dahil sa pagkakasabat nila ng bilyong droga sa Cavite, naniniwala si Aquino na ginagawang drop-off point ng sindikato ang Region 1 at dinadala na lamang ito sa Cavite.
-CHITO CHAVEZ