Binalaan kahapon ng isang anti-toxic watch group ang publiko na mag-ingat sa pagbili ng lucky charms, para sa pagdiriwang ng Chinese New Year ngayong araw, dahil sa posibilidad na nakakalason ang mga ito at magdudulot ng panganib sa kalusugan.

(AP Photo/Bullit Marquez)

(AP Photo/Bullit Marquez)

Ayon kay Thony Dizon, chemical safety campaigner ng EcoWaste Coalition, baka sa halip na suwerte ay malas pa ang ihatid ng mga naturang pampasuwerte sa mga taong bibili nito, matapos matuklasang ilan sa mga ito ay may taglay na nakalalasong kemikal, tulad ng cadmium at lead.

Isinailalim ng grupo sa pagsusuri ang 20 iba't ibang klase ng lucky charms at amulets mula sa mga retailers sa Binondo at Quiapo sa Maynila, kung saan natuklasan na 15 sa mga naturang items ay kontaminado ng lead at cadmium, na mas mataas sa itinakdang 90 parts per million (ppm) limit para sa lead at 100 ppm limit para sa cadmium, alinsunod sa regulasyon ng European Union (EU).

Eleksyon

'Walang Imee, Camille?' DuterTEN, Honasan, Querubin ineendorso ni FPRRD

Kaugnay nito, pinayuhan din ng EcoWaste ang publiko, na kung talagang gustong bumili ng lucky charms at amulets, ay pumili na lang ng may plastic laminate para maprotektahan ang sarili laban sa mga kemikal.

Nabatid na ilan pa sa mga lucky charms na natuklasan ng EcoWaste na may taglay na nakalalasong kemikal ay ang stainless steel necklace na may pig pendant, red fabric bracelet na may pig adornment, stainless steel necklace na may money pouch pendant, red fabric bracelet na may twin cherry adornment, holy gourd lucky object, lucky peach trinket, dragon lucky object, lotus flower lucky object, windhorse lucky object, 3-legged frog lucky object, golden lucky coin, good luck pat-kua, at lucky golden dragon.

Una nang nagbabala ang World Health Organization (WHO) na sa sandaling malantad sa lead ang mga bata, kahit pa sa mababang antas lang, maaaring magresulta ito ng brain damage o pinsala sa utak, na nagdudulot ng mabagal na development ng mga ito, gayundin ng behavioral problems.

Sa mga buntis naman ay maaari itong magdulot ng miscarriage, habang ang mga lalaking malalantad naman sa lead ay maaaring magkaroon ng pagbaba ng sperm count.

Maaari rin itong magdulot ng alta-presyon at iba pang problema sa kalusugan.

Samantala, ang cadmium naman ay isa sa itinuturing na nakapagdudulot ng cancer, gayundin sa pagbaba ng birth weight, premature birth, stillbirth, spontaneous abortion, at birth defects.

-Mary Ann Santiago