OAKLAND, California — Sa bibihirang kaganapan, nangailangan ng tatlo’t kalahating quarter ang deadshot na si Stephen Curry para makapuntos sa field goal, habang binuhay ni DeMarcus Cousins ang determinasyon ng Golden State Warriors sa nakaririnding dunk tungo sa 115-101 panalo kontra Los Angeles Lakers nitong Sabado (Linggo sa Manila).
“Luckily the sickness is nearly gone,” pahayag ni Klay Thompson, nanguna sa amtinding pakiiksagupa ng Warriors sa kabuuan ng tatlong period. “I felt very refreshed.”
Bigong makabuslo si Curry sa kanyang unang walong tirada at nakabutas lamang sa isang layup may 6:20 ang nalalabi sa final period. Tumapos siya na may 14 puntos, taliwas sa impresibong 41 puntos, tampok ang 10 three-pointer sa kabiguan laban sa Philadelphia nitong Huwebes.
Naisalpak ni Andre Iguodala ang magkasunod na three-pointer para simulan ang ratsada ng Warriors sa fourth period. Tumapos siya na may 17 puntos, habang kumubra si Cousins ng 18 puntos at 10 rebounds para sa unang double-double performance bilang isang Warrior.
Nag-ambag si Kevin Durant ng 21 puntos at 11 assists.
MAVS 111, CAVS 98
Sa Cleveland, napantayan ni rookie Luka Doncic ang season high 35 puntos sa dominanteng panalo ng Dallas Mavericks laban sa Cavaliers.
Sa pagitan ng hiyawan mula sa mga tagahanga na may bitbit na Slovenian flags, ipinamalas ni Doncic, sa edad na 19-anyos ang kahandaan sa NBA at ang naghihintay na bukas para sa Mavs.
Kumubra si Matthew Barnes ng 17 puntos, tampok ang tatlong three-pointer, habang umiskor ang isa pang rookie na si Jalen Brunson ng 15 puntos sa ikalawang laro ng Mavericks matapois makuha sa trade sa New York sina Kristaps Porzingis, Tim Hardaway Jr., Courtney Lee at Trey Burke.
Nanguna ang Filipino-American na si Jordan Clarkson sa Cavs sa naiskor na 19 puntos.
Sa iba pang laro, ginapi ng Denver Nuggets, sa pangunguna ni Nikola Jokic na tumipa ng ika-25 career triple-double -- 13 puntos, 16 rebounds at 10 assists, ang Minnesota Timberwolves, 107-106; tinalo ng San Antonio Spurs ang New Orleans Pelicans, 113-108; dinaig ng Atlanta hawks ang Phoenix Suns , 118-112; at namayani ang Indiana Pacers sa Miami Heat, 95-88.