Kagagawan umano ng mga suicide bomber ang magkasunod na pambobomba sa isang cathedral sa Jolo, Sulu, nitong Linggo ng umaga.

Ito ang sinabi kahapon ni Sulu Police Provincial Office director, Senior Supt. Pablo Labra.

Pinagbatayan ni Labra ang mga testimonyang nakalap ng mga imbestigador sa 36 na testigong nakaligtas sa nasabing insidente.

Sa salaysay ng mga testigo, napansin nila ang isang babaing pumasok sa Our Lady of Mount Carmel Catedral, kasama ang isang lalaki habang ginaganap ang misa, nitong Enero 27 ng umaga.

Eleksyon

Sara for President? VP Sara, inalis OVP seal sa kampanya; biro niya, palitan daw ng OP seal

Ayon sa mga eyewitness, kaduda-duda ang ikinikilos ng tinukoy na babaing may tinatayang taas na mula 5’2”-5’3”, payat, may dalang backpack, at nakasuot ng hoodie jacket.

“Doon sa cathedral, kilala nila ang mga nagsisimba. Ayon sa mga witness, nakuha ang atensyon nila kasi hindi pamilyar itong babae. Nagsabi sila sa mga otoridad na suspicious ang actions dahil lingon nang lingon,” ayon sa opisyal.

Matapos aniya ang ilang saglit, nagkaroon na ng pagsabog sa loob ng katedral.

Iniwan aniya ng lalaki ang babae na hindi na matagpuan pagkatapos ng insidente.

Ayon kay Labra, hindi matukoy ng mga testigo ang lahi ng dalawa ngunit nauna nang inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ang dalawa ay mag-asawang Yemeni na kabilang sa 40 teroristang sinusubaybayan ng militar.

Matatandaang naging mahigpit na ang ipinatutupad na seguridad sa nabanggit na katedral dahil na rin sa banta ng terorismo mula pa noong 2010.

Nilinaw din nito, isasailalim nila sa pagsusuri ang mga narekober na bahagi ng katawan ng lalaki at babae sa pinangyarihan ng pagsabog.

“Mayroong two pairs of feet na nandyan, one pair could be belonging to a lady, one pair could be belonging to a male person. Kailangan pa i-subject for forensic and DNA testing,” ayon pa kay Labra.

-Martin Sadongdong at Fer Taboy