Naglunsad ang militar ngayong Sabado ng umaga ng matinding surgical air, artillery, at ground operations sa natukoy na kuta ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF sa bayan ng Sultan sa Barongis sa Maguindanao.

Mga sundalo ng Philippine Army (MB, file)

Mga sundalo ng Philippine Army (MB, file)

Sinabi ni Major Arvin Encinas, hepe ng Public Affairs Office ng 6th Infantry Division (6ID) ng Philippine Army, na nagsagawa ang Joint Task Force Central (JTFC) ng pinaigting na operasyon sa Sitio Tatak, Barangay Tugal, Sultan Sa Barongis, Maguindanao bandang 6:00 ng umaga.

Ayon kay Encinas, gumamit ang JTFC ng dalawang OV-10 bomber plane nang paulanan nito ng hindi bababa sa walong 250-pound aerial bombs sa mga kuta ng BIFF, kung saan nasa 20 teroristang naiimpluwensiyahan ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) ang nakatira, sa ilalim ni Salahudin Hassan.

Metro

Trillanes, tatakbong mayor ng Caloocan: 'Parating na po ang pagbabago'

Kabilang si Hassan sa mga binanggit sa reklamong inihain ng Police Regional Office (PRO)-12 laban kay Abu Toraife, lider ng paksiyon ng BIFF na nagdeklara ng suporta sa ISIS.

Ang reklamo ay may kaugnayan sa pambobomba sa isang internet café sa Isulan, Sultan Kudarat noong Setyembre 2, 2018, na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang katao, at pagkasugat ng 14 na iba pa.

Habang isinusulat ang balitang ito, sinabi ni Encinas na wala pang impormasyon ang militar sa naging resulta ng airstrikes, partikular sa mga nasawi o nasugatan.

Gayunman, tiniyak ni Encinas na nawasak ng operasyon ang kuta ng BIFF sa lugar.

Sinabi naman ni Major General Cirilito Sobejana, commander ng JTFC, na naka-full alert ang militar sa ngayon matapos nilang matanggapa ng intelligence report na may 40 dayuhang terorista ang nakapasok sa bansa.

Sa Patikul, Sulu, nakaengkuwentro ng militar ang nasa 100 miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ngayong Sabado ng umaga.

Sa text message sa BALITA, sinabi ni Ltc. Gerry Besana, na nangyari ang sagupaan bandang 11:30 ng umaga sa Sitio Sungkog, Barangay Kabbon Taka sa Patikul.

Aniya, nakaengkuwentro ng 5th Scout Ranger Battalion ang grupo ni Hajan Sawadjaan, at limang sundalo at tatlong hinihinalang terorista ang namatay sa halos dalawang oras na bakbakan.

Limang sundalo at 13 umano'y terorista naman ang nasugatan, ayon kay Lieutenant Colonel Gerald Monfort, tagapagsalita ng Joint Task Force (JTF) Sulu.

Martin A. Sadongdong at Zea C. Capistrano