TAGUM CITY – Inaasahang kabuuang 3,500 kabataan, kabilang ang mga out-of-school youth ang makikilahok sa Batang Pinoy Mindanao Leg simula bukas sa Tagum City Convention Center sa Davao del Norte.
Siniguro naman ni Philippine sports Commission (PSC) chairman William “Butch” Ramirez na tuloy na tuloy ang nasabing qualifying leg ng Batang Pinoy matapos ang naiulat na pagbaha sa ilang lugar sa Tagum City sanhi ng walang tigil na pag-ulan.
Bagama’t may mga klaseng nasuspinde, hindi naman direktang nakaapekto ang nasabing pagbaha sa pagsisimula ng naturang graasroots annual event na ito ng PSC.
Inaasahang dadalo si Davao City Mayor at Presidential daughter Sara Duterte sa opening na gaganapin sa Davao del Norte Sports Complex bilang panauhing pandangal, gayundin ang posibleng pagdating ni Pangulong Rodrigo Duterte sa opening ceremonies.
Mismong si Ramirez ang personal na nag imbita sa Pangulong Duterte upang pasinayaan ang naturang opening.
“We are very happy na matuloy ito. And of course we are thankful sa mga LGUs natin. But this is good to go now,” pahayag ni Ramirez.
Siniguro ng PSC na gawin ng maaga ang Batang Pinoy upang maiwasan ang nangyari sa nakalipas na taon kung saan inabutan ng bagyong Ompong ang National Finals na ginanap sa Baguio City.
Ang susunod na Batang Pinoy Leg ay magaganap naman sa Iloilo City para sa Visayas leg sa Pebrero 23 hanggang Marso 2 habang ang Luzon Leg naman ay magaganap sa Ilagan, Isabela sa na Marso 16 hanggang 23.
Pinagpipilian naman ang Tagbilaran, Bohl at Ormoc City sa Leyte para maging host sa National Finals na magaganap sa Oktubre.
-Annie Abad