Inilunsad ng Grab Philippines ang bagong app-features upang pagkalooban ang kanilang pasahero ng maayos na serbisyo matapos na makamit ang three billion-ride mark sa buong Southeast Asia.
Ayon kay Grab Philippines country head turned president Brian Cu, ang three-billion passenger mark ay nakamit ng kumpanya nitong Enero 20, anim na buwan matapos maitala ang two billion rides.
Dahil dito, inanunsiyo ng ride-sharing app ang “Better Everyday” initiative sa pamamagitan ng series of app enhancements na magpapaunlad sa “overall customer experience.”
Ngayong linggo, ipinagmalaki ng Grab ang bagong lima nitong transport features na anila ay “redefine customer experience in the ride-hailing industry.”
Kasama sa features ang cancel anytime (before allocation), saved places, rewards points para sa mga pasaherong tinanggihan, change destination, at lost and found, na maaari nang magamit ng consumers.
Sa cancel anytime feature, maaaring kanselahin ng consumers ang kanilang booking attempt bago may italagang driver, habang ang mga naka-save na lugar ay mas mabilis na mapipili sa frequently used addresses para sa pickup o drop off.
Ikinonsidera rin ng Grab ang feedback ng mga pasahero at drivers sa cancellation sa bookings. Kapag ang driver ang nagkansela ng booking, ang consumer ay tatanggap ng 30 GrabRewards points na magagamit sa loob ng 24 na oras.
Sa oras na mali ang location setting, maaaring i-adjust ng riders ang kanilang drop-off points habang nasa biyahe.
Mayroon na rin ang kumpanya ng lost and found feature, na tutulong sa mga pasahero na makipag-ugnayan sa kanilang driver matapos ang booking upang makuha ang gamit na naiwan sa sasakyan.
“This 2019, we continue to underscore our commitment towards a better Grab experience. We are happy to start the year with an introduction of new features that will redefine consumer experience,” sabi ni Cu.
-Alexandria Dennise San Juan