MULA sa 15-anyos, ginawang siyam na taong gulang ng Kamara ang tinatawag na age of criminal responsibility o pananagutan ng mga batang may problema sa batas. Buong pagkakaisang tinutulan ito ng mamamayan at ng mga senador kaya binago ito ng Kamara at ginawang 12 taong gulang na lang. Masyado raw bata pa ang mga siyam na taong gulang.
Binago rin ng Kamara ang terminong “criminal responsibility” at ginawa itong “social responsibility.” Pabor si Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) at karamihan sa mga senador ay pabor na gawing 12 taong gulang ang minimum age of social (criminal) responsibility ng mga bata na nakagawa ng krimen, tulad ng pagiging courier ng illegal drugs, panghahablot ng bags, cell phones, at pagnanakaw.
Nang pagtibayin ng House of Representatives (HOR), sa pamumuno ni dating Pangulo at ngayon ay Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, ang House Bill 8858 upang itakda sa siyam na taong gulang ang batang pananagutin sa batas, ikinatwiran niyang ipinasa ito sapagkat ito ang gusto ni PRRD. Ayon sa kanya, pangako at commitment niya na lahat ng legislative agenda ng Pangulo ay kanyang ipapasa. Kaya siya ang ipinalit kay ex-Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez.
Gayunman, umalma ang publiko at iba’t ibang sektor ng lipunan dahil masyadong mababa ang edad ng bata na papapanagutin sa batas. Ang edad na siyam, ayon sa mga kontra rito, ay hindi makatwiran sapagkat mura pa ang kaisipan ng bata at hindi pa alam ang masama o mabuti.
Marahil ay naliwanagan din sina Mano Digong at SGMA na tama ang taumbayan. Payag na silang maging 12-anyos ang edad ng dapat papanagutin sapagkat ganoon din maging sa ibang mga bansa.
oOo
Ipinasa noong Miyerkules ng HOR ang panukalang batas na nagpapahintulot sa paggamit ng marijuana bilang gamot para sa medical purposes. Buong pagkakaisang pinagtibay sa pangalawang pagbasa ang panukalang Compassionate Medical Cannabis (CMC) Bill matapos ihayag nina PDu30 at Arroyo na suportado nila ang panukala.
Sinabi ng may-akda ng CMC bill na si Isabela Rep. Rodolfo Albano III na ang layunin ay payagang gamitin ang marijuana bilang gamot sa debilitating diseases o malubhang sakit tulad ng epilepsy. Ito ay sasailalim sa mahigpit na regulasyon ng Department of Health (DoH) at ng Food and Drug Administration (FDA).
Mismong sina Pangulong Duterte at Speaker Arroyo ang umamin na gumamit sila ng marijuana noon upang maparam ang sakit at matinding kirot na nararamdaman dahil sa karamdaman. Sa aking palagay, walang masama sa paggamit ng marijuana basta ito ay regulated at may basbas ng DoH at FDA.
Huwag lang itong gagamitin sa bisyo, lalo na ng kabataan, na nais maging “high” o makalimot sa problema. Dapat na maging mahigpit ang mga awtoridad sa pagpapahintulot nito sapagkat baka sa halip na maging gamot ang marijuana, ay maging bisyo pa na sisira sa utak ng kabataan o ng sinumang gagamit nito.
-Bert de Guzman