Dadaan sa tatlong bahagi ang rehabilitasyon ng Manila Bay, bilang bahagi ng dedikasyon ng pamahalaan na maibalik ang dati nitong ganda.
Ayon kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu, saklaw ng Manila Bay rehabilitation ang tatlong phase— ang cleanup at pagsasaayos sa kalidad ng tubig; rehabilitasyon at resettlement; at edukasyon sa pagmamalasakit sa lawa at pagpapanatili sa kalinisan nito.
Sa ilalim ng Phase 1, kakailanganing linisin ng mga ahensiyang bahagi ng programa ang mga estero, mabawasan ang fecal coliform level at mga lason na inilalabas mula sa mga bahay at establisimyento, at pagtatayo ng mga sewage treatment plants para sa gobyerno, komersyal, industriyal, at mga pang-edukasyon na establisyameto.
Magsasagawa rin ng pagsusuri at pagsasaayos ng mga tagas ng lumang mga sewer lines, pagbibigay ng pansamantalang sanitation facilities sa mga informal settlers sa mga gilid ng estero at baybayin, pagpapatupad ng solid waste management, at pagsisimula ng plano para sa relokasyon ng mga informal settlers.
Bahagi naman ng Phase 2 ng programa ang rehabilitasyon ng mga lumang sewer lines sa Metro Manila, patuloy na relokasyon ng mga informal settlers, at pagsisiguro na makumpleto ang 340 milyon litro kada araw (MLD) ng Maynilad at Manila Water pagpatak ng 2022.
Sa huling bahagi ng rehabilitasyon, magpapatuloy ang education at information campaign, pagpapanatili ng law enforcement at monitoring, at fast tracking o maagang pagtapos sa mga sewerage system sa Metro Manila mula 2037 hanggang 2026.
Ayon sa DENR, tanging 15 porsiyento o 2.4 milyon ng 16.3 milyon ng pinagsisilbihan ng tubig sa Metro Manila ang konektado sa isang sewerage system habang nasa 3.84% o 187,000 ng 4,863,938 populasyong pinagsisilbihan sa labas ng Metro Manila ang bibigyan ng sanitation services.
-Ellalyn De Vera-Ruiz