Nagkumahog kahapon ang mga motorista sa pagpapakarga ng gasoline sa kani-kanilang sasakyan upang makaiwas sa panibagong oil price hike, na ipinatupad ng mga kumpanya ng langis sa bansa, sa pangunguna ng Shell, ngayong Martes.
Sa pahayag ng Shell, epektibo dakong 6:00 ng umaga ngayong Martes ay magtataas ito ng 55 sentimos sa kada litro ng diesel, 40 sentimos sa kerosene, at 20 sentimos naman sa gasolina nito.
Sinundan ito ng Petro Gazz, na nagpatupad ng kaparehong dagdag-presyo sa diesel at gasolina nito.
Asahan na ang pagsunod ng iba pang kumpanya ng langis, tulad ng Flying V, Seaoil, PTT Philippines, Unioil, Petron, at Caltex sa kahalintulad na oil price hike kahit hindi pa naglalabas ng abiso ang mga ito.
Ito na ang ikaapat na bugso ng oil hike na ipinatupad ng mga kumpanya bunsod ng paggalaw ng presyuhan ng langis sa pandaigdigang pamilihan.
Enero 22 nang magtaas ng P0.40 sa kada litro ng diesel, P0.15 sa kerosene, at P0.10 naman sa gasolina.
-Bella Gamotea