Hiniling ng presidente ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga mananampalataya na ipagdasal ang mga Obispo ng Pilipinas sa kanilang mga gawain.
Ayon kay Davao Archbishop Romulo Valles, mahalaga ang panalangin ng sambayanan upang mapuspos ng Banal na Espiritu ang kanilang mga pagtitipon at magabayan sa magiging desisyon.
“Let me take this opportunity to request for your prayers for us all Bishops of CBCP so that we will always be blessed by the Holy Spirit, guided by the Holy Spirit, strengthened by the Holy Spirit as we do the business and discussions of the CBCP,” pahayag ni Valles sa panayam ng Radio Veritas.
Ito ay kaugnay ng taunang pagtitipon ng mga Obispo sa bansa upang talakayin ang iba’t ibang programa at usapin na makatutulong sa pagpapalago ng pananampalataya sa mga Pilipino.
Aniya pa, sa Enero 25-28 ay magpupulong ang mga Obispo sa kanilang ika-118 plenary assembly sa Pope Pius XII.
Umaasa si Valles na magiging matagumpay ang gawain at maibahagi sa mananampalataya ang mabubuting bunga ng pagpupulong.
Hiniling din ni Valles ang panalangin sa nakatakdang pagbisita ng mga Obispo ng Pilipinas kay Pope Francis sa Mayo at Hunyo ngayong taon.
-Mary Ann Santiago