Kasunod ng pagpapakamatay nitong Miyerkules ng drummer ng isang local rock band, iginiit ang agaran at matinding pangangailangan na maipatupad ang kapapagtibay na Philippine Mental Health Law.

Nanawagan din si Quezon City Rep. Winnie Castelo, isa sa mga pangunahing may akda ng RA 11036 o Philippine Mental Health Law, ng “aggressive information dissemination” tungkol sa batas na ipinasa noong Hulyo ng nakaraang taon.

Ipinahayag ito ni Castelo, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, kasunod ng pagpapakamatay ni Brian Velasco, drummer ng Razorback, nitong Miyerkules.

Naging usap-usapan ang pagpapakamatay ni Velasco dahil ginawa niya ito habang naka-Facebook Live. Kaagad ding tinanggal ng Facebook ang video ngunit marami na ang nakakita rito, at na-download at napagpasa-pasahan na ng libu-libong social media users.

Honasan kay Duterte: 'Mag-pray ka’

Nanawagan na rin kahapon ang Department of Health (DoH) sa publiko na itigil na ang pagpapakalat ng nasabing suicide video, bilang pagpapakita na rin ng respeto sa pamilya ni Velasco.

Sinabi ni Castelo na ang pagpapatupad sa RA 11036 ay makatutulong upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.

Sa ilalim ng batas, ang law psychotherapeutic services, gayundin ang iba pang medical services, ay magiging available sa lungsod, munisipalidad, at barangay.

“This law mandates the government to provide funds for mental health problems and directs local government units to establish facilities and provide services in all tertiary hospitals in all provinces,” ani Castelo.

Kaugnay nito, pinaalalahanan kahapon ng DoH ang publiko na hindi dapat balewalain ang depresyon.

“Depression is a serious health condition. In the Philippines, 3.3 million Filipinos suffer from depressive disorders with suicide rates in 2.5 males and 1.7 females per 100,000,” anang DoH. “We need to start talking about depression to end the stigma surrounding mental health because when left unattended, it can lead to suicide.”

Giit ng DoH, maaaring masolusyunan ang depresyon at ang sinumang dumaranas nito ay maaaring tumawag sa kanilang tanggapan.

“To those in need of help, we have a 24-hour toll-free suicide prevention hotline. You can call (02) 8044673; 0917-5584673 or send an SMS to 2919 for Globe and TM subscribers,” paalala ng DoH.

-Ben R. Rosario at Mary Ann Santiago