Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na itutuloy pa rin nila ang paniniktik sa mga miyembro ng isang teacher’s group, kahit pa pormal nang naghain ng petisyon ang grupo sa Court of Appeals upang kuwestiyunin ang legalidad ng nasabing hakbangin ng pulisya.

Iginiit ni PNP spokesman Chief Supt. Benigno Durana na hindi paglabag sa Konstitusyon ang ginagawa nilang profiling, o intelligence gathering laban sa mga kasapi ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Party-list.

“The Philippine National Police is the national police force mandated with the duty to enforce the law and maintain peace and order as a function of government,” pagdidiin ni Durana.

Sa petisyon ng ACT sa korte, iginiit ng grupo: “(We) seek to declare the memoranda of the PNP giving the green light for the conduct of the profiling of ACT members and affiliates in public schools as illegal and unconstitutional for violating basic human rights on freedom of association and assembly, freedom of expression, to privacy and to labor.”

Eleksyon

SP Chiz sa pagtakbo ni Quiboloy bilang senador: ‘Karapatan niya ‘yon!’

Paliwanag pa ng ACT, nangangamba na ang mga miyembro nito para sa kanilang kaligtasan at privacy, dahil na rin sa isinasagawang paniniktik sa kanila ng pulisya.

Nilinaw naman ni Durana na alinsunod sa batas ang kanilang hakbangin, dahil pinoprotektahan lang nila ang mamamayan laban sa mga kaaway ng gobyerno.

Binanggit din ni Durana na mismong si Communist Party of the Philippines founding Chairman Jose Maria Sison ang nagbanggit sa ACT bilang isa sa mga umano’y front organization ng New People’s Army (PNP) kaya naman may katwiran, aniya, ang ginagawang profiling ng pulisya laban sa grupo.

-AARON B. RECUENCO