Amerika pa rin ang pinakapinagkakatiwalaang bansa ng mga Pilipino, base sa resulta ng pinakabagong survey ng Pulse Asia.

Sa Ulat sa Bayan survey ng Pulse Asia nitong Disyembre 14-21, 2018, lumalabas na karamihan o 84 na porsiyento ng mga Pilipino ang nagsabing dapat na pagkatiwalaan ng Pilipinas ang Amerika (29% great deal of trust, 54% fair amount of trust).

Umangat ng 5% ang latest trust rating ng Amerika mula sa 79% (29% a great deal of trust, 50% a fair amount of trust) noong Marso 2017.

Lumabas din sa survey noong nakaraang buwan na ang Japan ang ikalawang bansa na pinagkakatiwalaan ng mga Pilipino na may 75%, kasunod ang Australia, 72%; at United Kingdom, 57%.

National

Ex-Pres. Duterte, wala raw tsinelas no'ng dalhin sa Netherlands—Sen. Bong Go

Samantala, sa kabila ng pakikipagkaibigan ni Pangulong Duterte sa China, lumilitaw na 60% ng mga Pilipino ang hindi nagtitiwala sa China.

Habang pangalawa naman sa “least trusted” ng mga Pilipino ang Russia, na may 59% distrust rating.

Bukod sa Amerika at Japan, pinagkakatiwalaan din ng mga Pinoy ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC), na may 82% at 80% na trust rating, ayon sa pagkakasunod.

Isinagawa ang survey sa 1,800 na respondent at may +2.3% error margin.

-Alexandria Dennise San Juan at Beth Camia