Durog ang ulo ng isang truck driver makaraang lumusot sa windshield ng kanyang minamaneho ang isang troso, sa MacArthur Highway, Barangay Karuhatan, Valenzuela City, kahapon ng umaga.
Kinilala ni Valenzuela City Police chief Senior Supt. David Poklay ang biktimang si Ronald Cantado, 38, ng Gagalangin, Tondo, Maynila; habang ang suspek ay si Dickson Lante, 39, ng Bgy. Pantok, Meycauayan, Bulacan.
Nagmamaneho ng dropside truck ang biktima habang sakay naman ang suspek sa tractor head na may trailer truck at kargado ng mga troso.
Ayon sa report, magkasunod na bumabaybay sa highway ang truck na may troso at ang truck ng biktima nang huminto ang una sa stoplight.
Gayunman, nakalas ang isa sa mga troso mula sa truck at nagdire-diretsong lumusot sa windshield ng truck ni Cantado, na nasapol at napisak ang ulo at kaagad nasawi.
“Iniimbestigahan pa po, pero definitely hindi dumulas ang log kasi intact pa rin,” ani Poklay.
Nakapiit na ang suspek, na kakasuhan ng reckless imprudence resulting in homicide and damage to property.
-Minka Klaudia S. Tiangco