Sa utos ni Pangulong Duterte, ipinag-utos kahapon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo M. Año sa Philippine National Police (PNP) na ipagbawal sa mga pulis na uminom sa mga bar, nightclub at pampublikong lugar.
Agad niyang hiniling sa PNP na mag-isyu ng administrative circular upang matiyak ang propesiyonalismo at tamang asal ng mga pulis.
Ipinangako ng DILG chief ang pagpapatupad ng matinding parusa laban sa pulis na lalabag sa kanyang direktiba at ipinagdiinan ang utos ng Pangulo na pagbawalan silang uminom sa mga bar at pampublikong lugar.
Sa pagbibigay babala, sinabi ni Año na umaasa siyang "the senior officials of the PNP from P/Director General Oscar Albayalde down to all Chiefs of Police in all cities and towns to lead by example so that their men will follow."
Sumasang-ayon siya sa Pangulo na nawawalan ng respeto at tiwala ang mga tao sa mga pulis at sa buong samahan ng PNP kapag nakakakita sila ng lasing na pulis sa pampublikong lugar.
Sa DILG’s Barangay Summit on Peace and Order in the National Capital Region, ipinag-utos ni Duterte sa lahat ng mga alagad ng batas na huwag uminom ng alak sa pampublikong lugar dahil maaari silang mapaaway.
"Nakakahiya at masagwang makita na may mga pulis na nag-iinuman sa publiko. The job of the police requires the respect of the people, therefore they must do what it takes to gain and maintain public trust," ani Año.
Nagbabala siya na ang mga pulis na makikitang umiinom sa pampublikong lugar ay mahaharap sa administrative charges gaya ng dereliction of duty, insubordination, at gross neglect of duty.
"We cannot have armed policemen walking around in public reeking of alcohol and not in their best state of mind as it implies lack of discipline among our uniformed personnel. Respetuhin ninyo ang tsapa at uniporme ninyo" dagdag niya.
-Chito A. Chavez